ZERO AMUSEMENT TAX HIRIT NG FILM INDUSTRY

NANAWAGAN ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa local government units (LGUs) na tapyasan o gawing zero ang amusement tax para makatulong sa mga local filmmaker.

“Baka pupuwedeng i-zero na natin. Tulong na natin for the next three years para makabangon naman sila,” ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos.

Ang Amusement tax ay 30% ng gross receipts mula sa admission fee.

Ang pahayag na ito ni Abalos ay matapos makipagpulong sa mga executives mula sa Film Development Council of the Philippines (FDCP), Regal Films, GMA Films, Viva Films, APT Entertainment, at Quantum Films.

Bukod kasi sa mabigat na buwis, nagpasaklolo rin ang mga film executive sa DILG na tugunan ang kanilang mga concern ukol sa komplikadong pagpoproseso para sa permits at maging ang movie piracy.

Ani Abalos, nahaharap ang mga film producer sa malaking pagkalugi dahil sa mga nasabing usapin.

Sa kabilang dako, sinabi naman ni FDCP chairperson at aktor na si Tirso Cruz III na ang panukalang pagbabago ay hindi lamang makatutulong sa local film industry kundi makapage-engganyo sa foreign production na isama ang Pilipinas sa kanilang lokasyon.

“Sana sila ay magpuntahan dito kaysa ho sa pumupunta sila sa ibang bansa, magsho-shoot sila doon. Tapos pinapalabas nilang Pilipinas. Parang masakit ho sa mga producers namin,” ayon kay Cruz.

Samantala, sinabi naman ni GMA Films president Annette Gozon-Valdes na gagawin lahat ng local film productions at associations ang makakaya nito para maging ligtas ang Filipino film industry.

“Ang mga pelikulang Pilipino, it’s a part of our arts and culture. We have to preserve it. We have to love it. Gagawin namin lahat para hindi mamatay ang industriya ng pelikulang Pilipino,” dagdag na wika ni Valdez.

(CHRISTIAN DALE)

148

Related posts

Leave a Comment