EDITORIAL
HANGAD ng bawat isa ang masaya at makulay na Araw ng mga Puso. Walang gustong maiwang nag-iisa, ngunit sinasabing mapagbiro ang pag-ibig kaya may maligaya at may nalulungkot.
Sa paghahanap ng kaligayahan ay bumabaling ang iba sa paraan kahit ito ay kailangan ng pagbabakasakali.
Tumatapang para makatikim ng parte ng saya na hatid ng pulang araw. Subalit, ang iba ay nahuhulog sa “love scam” na sa halip na tigib ng saya ang maranasan ay dagdag na kirot sa dibdib ang napala.
Kaya mag-ingat sa mga manloloko na balatkayo ang kaligayahan.
May hinahanap kayo sa Araw ng mga Puso? Naghihintay ng regalong simbolo ng pagtingin ng nagbibigay?
Pera ang nangungunang regalo sa Valentine’s Day na gustong matanggap ng mga Pilipino.
Batay iyan sa resulta ng isinagawang survey ng Social Weather Station (SWS).
Nasa 16% ng respondent ng survey na isinagawa noong Disyembre 8-11, 2023 ang nais makatanggap ng pera bilang regalo, sinundan ng love and companionship na may 11%, bulaklak 10%, damit 9% at 5% ay nagsabing kahit anong regalo mula sa puso.
Nabatid din sa survey noon na 58% ng mga Pilipino ay “very happy with their love life,” at 19% ay walang lovelife.
Kung gagawing batayan ang survey, ito ay nagpapakita ng kahalagahan ng pera kahit sa okasyong ang mensahe at diwa ay ipadama at madama ang pag-ibig.
Ipinamalas nito ang pagiging praktikal ng mga Pinoy sa panahong mahirap kumita at ang kinikita ay halos sapat o kapos sa gastusin. Sa hirap ng buhay ngayon.
Subalit, iba pa rin ang kinikilig at tumatanggap ng regalo na mula sa puso.
Pera man, bulaklak man o kahit anong regalo ang matanggap ninyo ngayong Valentines, ang mga ito ay dapat pahalagahan. Kahit sa maliit na paraan ay naipababatid ng nagbibigay ang pagmamahal nila sa binibigyan.
Sa mga walang ka-Valentine, huwag mawalan ng pag-asa. Darating din ang tamang tao para sa inyo. Sa mga nabigo at nasaktan, huwag matakot na muling magmahal. Habang pumipintig ang puso ay bumubukal din ang pag-ibig.
Sana isapuso natin ang pagseselebra ng Araw ng mga Puso. Araw ng mga Puso ha, hindi Araw ng mga Peso.
97