PFP INAAMAG

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

HINDI ko maintindihan kung bakit sa lahat ng partido na nakapagpanalo ng presidente, ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP) ang inaamag, as in hindi dinagsa ng mga balimbing na politiko.

The last time I checked, dalawa pa rin, as in dadalawa ang miyembro ng PFP na nakaupo sa Kamara gayong magkakalahating taon na nang makaupo ang ipinanalo nilang si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Mas dumami pa ang miyembro ng Lakas-Muslim Democrats (CMD) na pinamumunuan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez mula nang magsimula ang 19th Congress gayong hindi ito ang partidong nagdala sa kandidatura ni PBBM.

Sa Senado, bokya pa rin hanggang ngayon ang PFP kaya mukhang may problema ang liderato ng partidong ito dahil sila lang ang tanging political party na hindi dinagsa ng mga balimbing na politiko.

Nasa college na ako nang maging presidente si dating Pangulong Fidel Valdez Ramos at ang noo’y walang katao-tao na Lakas-CMD na kanyang itinatag para maging behikulo niya sa kanyang presidential bid noong 1992, ay dinagsa ng mga politiko nang manalo siya.

Naging sikat na partido ang Lakas-CMD na naging behikulo naman nina dating Speaker Jose De Venecia pero natalo kay dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada noong 1998 presidential election.

Ang partido noon ni Erap na Partido ng Masang Pilipino (PMP) ay dinagsa din ng mga balimbing na pulitiko pero noong 2001, matapos siyang mapatalsik sa EDSA Revolution, sa partido ni Gloria Macapagal Arroyo na Lakas-NUCD-UMDP naman naglipatan ang mga politiko.

Ang dating kasya lang sa Volkswagen na mga miyembro ng ­Liberal Party (LP) na behikulo ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III noong 2010 presidential election, ay biglang dumami ang miyembro nang manalo siya.

Naging pangunahing partido ang LP sa loob ng anim na taon dahil mula sa Volkswagen, kinailangan nila ang maraming bus para pagkasyahin ang kanilang mga miyembro.

Nang manalo naman si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ang partido nito na Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan o PDP-Laban ay dinagsa rin ng mga pulitiko pagkatapos niyang manalo noong 2016 presidential election.

Isang congressman lamang ang ipinanalo ng PDP-Laban sa ­nasabing halalan sa katauhan ni Davao del Norte Rep. Pantaleon “Bebot” Alvarez noong 2016 election pero naluklok siya bilang speaker dahil naglipatan agad ang mga balimbing na politiko sa kanilang partido matapos ang eleksyon.

Ito ang mga bagay ang inaabangan sa PFP pero magtataka ka, bakit hindi nadagdagan ang kanilang miyembro? May problema ba talaga sa mga namumuno sa partidong ito? Kay PBBM, tingin ko walang problema pero siguradong may problema sa mga lider.

Kung talagang matatag ang partidong ito, dapat malakas na sila ngayon pero motorsiklo pa lang ang kanilang sasakyan hanggang ngayon at may gana pa silang magtanggal ng miyembro na totoong naghirap para ipanalo si PBBM.

42

Related posts

Leave a Comment