PIGILAN ANG PAGSADSAD NG EDUCATION SYSTEM – VP SARA

TARGET NI KA REX CAYANONG

MAHALAGA sa bagong henerasyon ang edukasyon. Kaya mainit itong pinag-uusapan ngayon.

Maituturing namang hamon sa administrasyon kung paano patatakbuhin nang tama ang sistema. Siyempre, dapat akma ito sa kasaysayan, siyensiya, panitikan at iba pang aspeto.

Si Vice President Sara Duterte-Carpio ang namumuno ngayon sa Department of Education (DepEd).

Tunay na malaki ang responsibilidad na nakaatang sa kanya sa pagsulong ng edukasyon at sa ating kasaysayan kung hindi ito pagtutulungan ng lahat.

Humihina raw ngayon ang sistema na tinutugunan naman ni VP Sara.

Aba’y binigyang diin niya ang kahalagahan ng pagpigil sa pagbagsak ng education system.

Sa ganitong paraan nga naman, maisasalba ang kinabukasan ng mga kabataan. Sila pa naman ang tinaguriang “pag-asa ng bayan.”

Sa kanyang talumpati sa Association of Registrars of Schools, Colleges and Universities – Technical Vocational Training Institution, Region 11 Annual Convention at 22nd Mindanao-wide Invitational sa Davao City, binanggit ni VP Sara na ang misyon ay siguruhing nananatiling matatag ang sistema ng edukasyon dahil kapag kulang aniya ang pagsisikap ng mga kinauukulan sa paggabay sa mga mag-aaral ay patuloy na mahihirapan ang mga ito sa kanilang larangan.

Dapat aniyang tularan ng mga kabataan ang pagsisikap sa pagtatrabaho upang magbigay ng inspirasyon tungo sa pagkamit ng pangarap.

Ipinagmalaki rin ni Inday Sara ang “Matatag: Bansang Makabata, Batang Makabansa” program ng DepEd na siyang bagong direksyon ng ahensya sa pagresolba sa mga hamon sa basic education.

Samantala, dumalo rin kamakailan ang bise-presidente sa joint mass oath taking ng Davao de Oro at Davao del Norte Lakas-CMD sa Tagum City Historical and Cultural Center.

Sa event na iyon, aba’y hinamon naman ni VP Duterte ang mga lokal na lider na itaguyod ang integridad at pairalin ang pagkakaisa upang mailatag ang tunay na serbisyo publiko.

Kaakibat nga naman daw ng pagiging miyembro ng partido ay ang pagtanggap sa hamon na magkaisa tungo sa iisang layunin at ito ay ang pagsisilbi sa mamamayan.

Bukod nga pala riyan, nagpasalamat din si VP Sara sa Korte Suprema sa pagbibigay nito ng payo sa kanya para sa posibleng partnership sa pagitan ng DepEd at Integrated Bar of the Philippines (IBP).

Mabuhay at God bless po, VP Sara!

110

Related posts

Leave a Comment