PINATULOG NG OMBUDSMAN

0

SAKSI NGAYON INSIDER Ni FERNAN ANGELES

TALIWAS sa akala ng marami, hindi lamang sa Malakanyang may antukin. Maging sa Office of the Ombudsman, ­naging kalakaran ang pagtulog – hindi ng mga kawani kundi ng kasong isinampa sa kanilang tanggapan.

Agosto 1998 pa nang ihain ang isang detalyadong asunto kaugnay ng maanomalyang pagbebenta ng Philippine Esta­tes Authority (Philippine ­Reclamation Authority na ngayon) sa 41.6-ektaryang reclaimed area ng Manila Bay sa Manila Bay Development Corporation (MBDC) sa halagang P104 kada metro kwadrado.

Giit noon ng PEA, ang MBDC ang nakapag-alok ng “best offer” para sa prime property na ngayon ay mayroong market value na nagkakahalaga ng P300,000 per square meter.

Sa kabuuan, binayaran lamang ng P427 milyon ng MBDC ang gobyerno para sa 41.6-ektaryang reclaimed area sa lugar kung saan ngayon nakatayo ang naglalakihang gusaling karamihan ay pag-aari ng mga negosyanteng Intsik. Malayong-malayo sa P41-bilyong market value noong panahon na iyon.

Ang siste, hindi man lang tumabla ang gobyernong gumastos ng P9.8 bilyon para sa pagtatabon, pagpapatibay ng pundasyon at pagpapatag ng silangang baybayin ng Manila Bay.

Ang malinaw, matagal nang nasa pag-iingat ng Ombudsman ang sako-sakong ebidensya at testimonya ng mga saksi, bagay na hindi man lamang pinahalagahan ng Ombudsman na hanggang ngayon ay nirerebisa pa rin daw ang inihaing kaso.

Susmaryosep! ­Nangamatay na ang mga tiwaling sangkot, pati na rin ang ilan sa mga ­naghain ng reklamo. Marahil hinihintay ng nasabing tanggapan ang pagpanaw ng lahat ng mga sangkot sa asunto sa hangaring pagbigyan ang kapritso ng mga negosyanteng naka-jackpot sa tulong ng mga tiwali sa PEA.

Dalawampu’t tatlong taon! Napakahimbing ng ginawang pagpapatulog ng Ombudsman sa asuntong plunder laban sa mga tiwali sa pamahalaan. Mas mahimbing pa kaysa pasyenteng na-comatose!

Kung tutuusin, pwedeng-pwedeng ibasura ng administrasyon ang kontratang sukdulang bahid ng anomalya. Talo ang gobyerno.

Napakalaking pera para sa naghihirap na Pilipino kung mababawi, makakansela, o ‘di naman kaya’y madadagdagan ang baryang ibinayad ng MBDC para sa isang klasipikadong prime property sa tabi mismo ng Manila Bay.

Sa pinakahuling datos na aking nakalap, swerte na ngayon ang isang negosyante kung makabili siya ng lupa sa halagang P300,000 per square meter sa nasabing lugar.

Nasusulat din sa Saligang Batas – Article XII, Sec. 3 ng Konstitusyon – mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta ng alienable lands at public domain sa mga pribadong ­kumpanya. Gayunpaman, pwede lamang itong paupahan.

Pero hindi gagawin ‘yan ng administrasyong Duterte.

Magtatampo kasi ang mga negosyanteng dumadayo pa sa Pilipinas mula sa bansang Tsina para magsamantala.

(Si Fernan Angeles ay editor-at-large ng SAKSI Ngayon)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment