PINOY CANDIDATES ‘DI NA NAKAPOPORMA

DPA ni BERNARD TAGUINOD

PINAGLARUAN sa social media si Bamban, Tarlac Mayor Alice Leal Guo na nasa gitna ngayon ng matinding kontrobersya, na kahit ang international media tulad ng British Broadcasting Corporation ay naging headline siya.

Paanong hindi paglalaruan eh walang naniniwala na hindi niya maalala ang lugar kung saan siya ipinanganak, saan siya tumira, wala siyang medical at school record at kapag tinanong siya ay “Hindi ko po maalala” ang isasagot.

Tayong lahat, alam natin kung saan tayo nag-aral at hanggang sa pagtanda ay siguradong hindi mo makalilimutan kung sino ang teachers natin, sino ang mga classmate natin, anong lugar ang madalas nating tambayan noon, anong pagkain ang pinagsasaluhan at higit sa lahat hindi natin makalilimutan kung kailan at saan tayo ipinanganak dahil may mga record naman ang mga ‘yan.

Pero itong si Mayor Guo na hindi naman daw kilala talaga sa Bamban, Tarlac, ay naging instant mayor sa kanilang lugar dahil siguro wala siyang kalaban, at kaya walang kumuwestiyon sa kanyang pagkatao ay nakalimutan o hindi niya maalala ang kanyang nakaraan. Imposible.

Pero bilib ako ha, magaling siyang mag-Tagalog. Hindi ko alam kung marunong din siyang mag-Ilokano o kaya Kapampangan na siyang local dialect sa Tarlac. Sa susunod dapat pagsalitaan siya ng Ilokano.

Kung itinanim nga ng China si Guo sa Pilipinas para sa unti-unting pagkontrol sa pulitika at gobyerno sa Pilipinas, saan siya nag-aral ng Tagalog at ilang taon siyang nag-aral para maging matatas sa pagta-Tagalog?

‘Yung isyung pagtatanim ng China ng kanilang mga tao o espiya sa local politics natin ang dahilan kaya pinatulan ng international media ang kanyang istorya lalo na’t tumitindi ang tensyon sa West Philippine Sea.

Sabi nga ng isang mambabatas, ang pakiramdam niya hindi lang ang West Philippine Sea ang nais kontrolin ng China kundi ang gobyerno sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagtatanim nila ng mga kandidato.

Gusto ko lang ding idagdag, hindi lang mga kandidato na biglang sulpot lang sa isang lugar tulad ni Guo, ang dapat busisiin kundi ang mga dayuhang botante. Ayan ha, hindi ko sinabi na Intsik lang.

Alam niyo ba kung bakit, maraming lugar sa Pilipinas ngayon lalo na sa barangay level ay hirap na ang mga Pinoy na manalo dahil maraming dayuhang botante at mga kauri lang nila ang nananalo.

Kung nakakukuha ng birth certificate sa pamamagitan ng late registration ang mga dayuhang ito na hindi marunong mag-Tagalog o magsalita ng local dialect, ay hindi imposibleng binigyan din ang mga ‘yan ng karapatang bumoto.

Kaya dapat ding balikan at busisiin ang kanilang mga record dahil kung hindi, darating ang araw na maagawan ng karapatan ang mga Pinoy na magluklok ng kanilang kapwa Pinoy na mamumuno sa kanila.

51

Related posts

Leave a Comment