MAY AASAHAN PA BA TAYONG BABA-PRESYO NG MGA BILIHIN?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

TATLONG buwan na lang mula ngayong Mayo bago sumapit ang ‘ber months’ ngunit hindi pa rin bumababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

Pagkatapos ng Mayo, Hunyo, Hulyo, Agosto ay papasok na ang unang buwan ng ber months na Setyembre 2024, ngunit tila malabo nang makatikim ang mga Pilipino ng kaginhawaan sa murang presyo ng mga bilihin.

Hindi pa man nakahihinga ang mamamayan sa sobrang mahal ng presyo ng pangunahing mga bilihin, tila ang kanilang aasahan ay mas mataas pa na presyo ng mga bilihin pagsapit ng Setyembre.

Pangunahing dahilan ng mataas na presyo ng mga bilihin ay ang hindi na bumaba sa P50 na kada litro ng mga produktong petrolyo.

Lahat daw kasi ng mga produktong pangunahing kailangan ng tao ay apektado ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo.

Tulad na lamang halimbawa ng bigas, isda, karne, delata, mantika, gulay, prutas at mga sangkap sa pagluluto, na ginagamitan ng gasolina.

Hindi raw kasi maihahatid sa mga palengke ang mga produktong ito kung hindi dadalhin ng delivery trucks na ginagamitan ng gasolina at diesel.

Dumaraan din sa mga ahente ang agri-products na ito bago pa nadadala sa mga palengke kung saan ay nadagdagan ang presyo nito.

Nariyan din ang ginagawang panghaharang ng mga awtoridad sa mga nagdadala ng mga produkto sa mga palengke.

Ang mga problemang ito ay hindi naman naaaksiyunan ng pamahalaan para matigil sana ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Pinababayaan na lamang ng gobyerno kung magkano ang itinatakdang presyo ng mga negosyante sa kanilang ibinebentang mga produkto.

Sinasabi naman ng mga negosyante na kung magkano sa kanila ipinasa ang mga produkto, kailangan din nila itong patungan sa presyo upang kumita sila at hindi bumagsak ang kanilang mga negosyo.

Wala nang kontrol ang pamahalaan pagdating sa presyo ng mga pangunahing bilihin kaya kaliwat-kanan ang pagtaas ng mga presyo sa mga bilihan.

Na-PUNA rin natin na hindi napagtutuunan ng pansin ng BBM admin ang pagmo-monitor sa presyo ng mga bilihin, kaya kanya-kanya ang mga negosyante sa pagtataas ng presyo ng kanilang mga paninda.

Kaya walang maaasahan ang taumbayan na pagbaba ng presyo ng mga pangunahing bilihin pagsapit ng ber months.

Kaya pagdating ng Kapaskuhan sa halip na Paskong Tuyo ay magiging Paskong Tuyong-Tuyo na.

Saan ang aabutin sa P610 daily minimum wage sa sobrang taas ng presyo ng mga pangunahing bilihin?

42

Related posts

Leave a Comment