PINOY HOSPITALITY

At Your Service Ni Ka Francis

KILALA ang mga Pilipino na magaling mag-entertain at hospitable sa kanilang mga bisita, maging kababayan man o dayuhan.

Sa katunayan sa mga kapistahan sa mga kanayunan sa buong bansa ay tradisyunal na sa ating mga Pinoy na kahit hindi natin kamag-anak o kakilala ay pinakakain natin ang mga bisita.

Hindi lang basta na pinakakain natin sila, madalas din ay pinababalutan pa natin ng mga pagkain ang ating mga bisita.

Bilang tradisyon o kaugalian na nating mga Pilipino at kilala sa “hospitality”, tuwing may okasyon sa ating bahay ay nag-iimbita pa tayo ng mga bisita.

Minsan ay nangungutang pa ang mga Pilipino para lang magkaroon ng panghanda o ipakakain sa kanilang mga bisita sa panahon ng piyesta.

Dahil mahalaga sa mga Pilipino ang tradisyon sa tuwing kapistahan sa ating nayon, kahit nasa malalayong lugar ang ating mga kamag-anak ay nagsisiuwian para ipagdiwang ito.

Ang kapistahan sa nayon ang isa sa pinakamahalagang okasyon sa ating mga Pilipino dahil ito ang pinakabonggang handaan.

Nagsisimula ang kapistahan sa mga kanayunan sa pamamagitan ng mga patimpalak, gabi ng batch reunion ng mga alumni sa elementary, high school, at senior citizens.

Nariyan din ang parada ng mga estudyante sa elementary, high school, mga guro, mga empleyado ng gobyerno at mga awtoridad.

Sa panahong ito ay nagkakaroon ng mga reunion ang mga magkaka-batch sa elementarya, high school at mga magkakamag-anak.

Dahil sa kaugaliang ito ng mga Pilipino, napatutunayan kung gaano kalapit ang bawat pamilyang Pinoy.

Kaya kahit sa ibang bansa na tayo nakatira, darating at darating ang panahon na uuwi tayo sa ating sariling bayan, lalo sa panahon ng kapistahan.

Bukod sa kapistahan, pinaghahandaan din nating mga Pilipino ang kapaskuhan at pagsalubong sa bagong taon.

Ito rin ang panahon ng pagtitipon-tipon ng mga kamag-anak, magkakaibigan at magkaklase sa elementary at high school, na matagal nang hindi nagkikita-kita.

Kaya dito lalong napatutunayan ang Pinoy hospitality, hindi nila nakalilimutan ang kanilang pinanggalingan.

Ito rin ang nagpapatunay na tayong mga Pilipino ay mapagmahal sa ating kapwa.

Hindi rin tayo mahilig magtanim ng galit sa ating kapwa, magalit man tayo ay agad ding nawawala ito.

55

Related posts

Leave a Comment