PISO SADSAD NA NAMAN

EDITORIAL

MASASABING normal nang nangyayari na bumabagsak ang palitan ng Philippine Peso sa US Dollar ngunit nakababahala ito dahil apektado nito ang ekonomiya, presyo ng pagkain maging ng utang ng bansa.

Noong nakaraang linggo ay naitala sa P57 ang kada dolyar na bahagya na lamang ang diperensya sa P59:$1 na 12th all-time low exchange rate noong 2022.

Nakabase ang palitan ng piso at dolyar sa supply at demand ng dollar sa merkado, sa ilalim ng floating exchange rate system.

Paliwanag ng mga ekonomista, tuwing tumataas ang halaga ng dolyar, nagmamahal ang presyo ng mga imported na produkto at materyales gaya ng semento, electrical wirings, at langis na kailangan sa mga proyekto ng gobyerno.

Ang pagsadsad ng piso ay nangyari matapos sumirit nitong Marso ang inflation rate, o bilis ng pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo, patungong 3.7% pangunahin dahil sa halaga ng pagkain.

Ang food inflation ay tumaas sa 5.7 porsyento noong Marso mula sa 4.8 percent noong Pebrero.

Nasa 17.3 percent ang inflation rate para sa bigas, mais, harina at ibang produktong cereals.

Ayon sa PSA, ang average price ng bigas ay tumaas ng mahigit P10 kada kilo kumpara noon lang nakaraan taon. Inaasahang tataas ang rice inflation rate hanggang Hulyo, ayon kay National Statistician at Undersecretary Dennis Mapa. Paliwanag ni Mapa, mataas ang presyo ng bigas dahil tumaas din ang presyo nito sa pandaigdigang pamilihan.

Sumipa na rin ang presyo ng karneng baboy habang ang mabagal na tapyas sa presyo ng diesel at mabilis na pagpalo ng presyo ng gasolina ang nagtulak pataas ng gastos sa transportasyon.

Sa mga pangyayaring ito, nakalulungkot na tila nakatuon sa pulitika at drama ang mga nasa gobyerno sa halip tutukan ang problema sa sikmura ng tao.

Ang tunay na lider at mga opisyal ng bansa ay obligadong maghanap ng paraan para sa ikalulutas ng mga problema.

Sanga-sangang problema ang hahatakin ng inflation, na mas higit na ipinag-aalala ng mga Pilipino.

Kaya hindi nakapagtataka na karamihan sa Pinoy ang hindi masaya at dismayado sa pangangasiwa ng gobyerno sa mabilis na pagtaas ng inflation.

Hindi ba’t ayon sa survey ay 71 percent ng mga Pilipino ang hindi sang-ayon sa ginagawa ng gobyerno.

Sa kabuuan, nakakuha ang administrasyon ng net approval rating na -66 sa pagkontrol ng inflation.

Kaya ihinto na ang bangayan sa pulitika, sa halip ay ibaling ang diskarte sa pagtugon sa tunay na problema ng bayan.

35

Related posts

Leave a Comment