PLASTIKAN 101

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

TULOY ang trabaho at hindi apektado ang relasyon nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at Vice President Sara Duterte-Carpio sa ‘bad shot’ comment ng maybahay ni PBBM sa huli.

Iyan daw ang ibig sabihin ng magkasamang pagdalo ng dalawang pinakamataas na lider ng bansa sa 45th PNPA Commencement Exercises sa Camp Gen. Mariano Castañeda, Silang, Cavite nitong Biyernes.

‘Di kami pinanganak kahapon, sabi ng netizens. Halata naman daw nagplastikan lang ang dalawa kahit pa nagbeso-beso sila.

Mainit na pinag-usapan at hinimay sa social media ang pahayag ni First Lady Liza Araneta Marcos sa isang interview na bad shot na sa kanya si VP Sara.

Hindi matanggap ni FL Liza na dumalo sa rally si VP Sara kung saan tinawag na ‘bangag’ ang presidente at nagawa pa niyang tumawa. Bakit nga naman kasi tumawa itong si VP Sara eh seryosong bagay ang pagiging bangag lalo pa’t lider ka ng bansa.

Eh bakit nga rin naman kasi hindi pa magpa-drug test muli itong si PBBM para naman matuldukan na ang ‘bangag’ isyu na yan. Madali lang naman magpa-drug test kahit busy siya sa Malakanyang, isingit na niya sa oras n’ya.

Hangga’t hindi siya muling nagpapasailalim sa credible drug test patuloy siyang kakaladkarin sa issue na yan. At ‘yan din ang gagamitin ng mga kontra sa kanya.

‘Wag na nating pansinin kung magtarayan man ang dalawang babae sa buhay ni PBBM. Sabi ng mga netizen, wala silang paki kung magsabunutan o magsampalan man ang dalawa. Mas importanteng malutas ang mga problema ng bayan lalo na’t hindi lang init ang tumitindi ngayon kundi maging ang takot sa ibinabandera ng ilan na posible na raw magkagiyera at may ‘creeping invasion’ na ng China sa Pinas.

Lalo tuloy nagdududa ang iba na totoong unti-unti na tayong pinapasok ng China kasi hindi lang mga nagtatrabaho sa POGO ang nandito kundi maging mga estudyante.
Estudyante nga ba sila?

Bago pumutok ang lumolobong Chinese students partikular sa Cagayan ay pinag-usapan sa Kamara ang pag-recruit sa 36 Chinese nationals sa Philippine Coast Guard Auxiliary Force Corps (PCGAFC).

Hindi rin ba kayo magtataka, sa kabila ng pambabarako ng China sa mga Pinoy sa West Philippine Sea eh may mga Chinese palang nasa Coast Guard natin?

Tapos heto na at nabunyag na sangkatutak na rin pala ang mga Chinese na nag-aaral sa Cagayan.

Madali namang matapos ang mga pagdududa. Bakit hindi isapubliko ang bilang ng lahat ng dayuhan na nag-aaral sa bansa. Hindi lamang Chinese dahil marami rin ditong Korean at iba pang lahi.

Pero kung mga Tsino lang ang umaabot sa libo ang bilang at naka-concentrate sa ilang lugar, malamang mahihirapang pahupain ang duda ng taumbayan.

Eto pa isa, nagbabayad daw ng milyon ang mga Tsino kapalit ng college degree.

Pinaiimbestigahan na ng isang senador ang akusasyon na P2 milyon ang kapalit na halaga ng diploma ng mga dayuhang estudyante.

Dapat lang. Sa ganitong usapin kasi bukod sa muling pagsulpot ng mga ‘makapili’ may mga gahaman pa na kumikita.

Korupsyon pa more!

55

Related posts

Leave a Comment