NILINAW NI ARTES ANG PABUYA NI CHAVIT SA MMDA ENFORCERS

MY POINT OF BREW ni JERA SISON

UY! Hindi lang pala P100K ang nais na ibigay na pabuya para sa MMDA traffic enforcers na humuli sa sasakyan ni dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson na lumabag umano sa paggamit ng EDSA bus lane. Dinoble ng bilyonaryong politiko at ginawa itong P200K! Huwaw!!!

Aba’y kung totoo naman ito, tila nagmistulang Christmas bonus ito para sa maalinsangan at mainit na panahon sa tag-init sa mga makatatanggap nito. Sanaol.

Pero teka, mariin na nilinaw ni MMDA Chairman Don Artes na bagama’t taos-puso ang intensyon ni Chavit na namigay ng P200K sa mga traffic enforcer na humuli sa kanyang sasakyan bilang gantimpala sa kanilang dedikasyon sa kanilang serbisyo, labag daw ito sa mga alituntunin ng isang public servant o tauhan ng gobyerno.

Hindi naman minamasama ni Artes ang alok ni Singson. Marahil larawan lamang ito sa malaking pagbabago sa pamunuan ng MMDA sa ilalim ni Artes. Ito ay ang pagiging tapat at seryoso sa serbisyo upang maayos ang kaguluhan sa pangunahing mga lansangan ng Metro Manila.

Nilinaw na ang pabuyang P200K ni Singson na binansagan ni Chairman na “no strings attached” ay hindi nangangahulugan na abswelto ang drayber at sasakyan ni Singson sa paglabag ng paggamit ng EDSA bus lane. Inilagay ang pabuya ni Singson bilang isang donasyon sa ahensya.

“Ito ay pupunta sa general fund ng MMDA. Hindi po ‘yan idi-distribute sa particular na tao o grupo. So iko-consider po ‘yan na donasyon sa ahensya – not for a specific purpose, but pupunta po sa general fund na kailangan pong i-allocate ng Metro Manila Council bago po pwedeng gastusin,” ang paliwanag ni Artes.

Binigyan diin na Artes na ipagpapatuloy pa rin nila ang paghuli ng mga lumalabag sa ating batas trapiko. Kahapon ay nagsimula na rin ang pagbabawal sa mga e-trike, e-bike at tricycle na bumabaybay sa pangunahing mga lansangan ng Metro Manila. Bukod dito, ang mga LGU ay magsasagawa rin ng pagpapatupad ng nasabing batas.

Para naman sa MMDA, nagsimula na kahapon ang kanilang pagpapaalala sa lahat ng mga lalabag sa nasabing mga uri ng sasakyan na makikita nila sa pangunahing mga kalye. Wala munang huli at pagsasabihan lamang ang mga lumabag sa nasabing direktiba. Makatarungan ang nasabing aksyon. Walang masasabi ang mga gumagamit ng e-trike at iba pang nasa uri ng kategorya na sasakyan na hindi nila alam ito.

Kung ating matatandaan na dati-rati ay hindi seryoso ang pagpapatupad ng batas trapiko ng MMDA kaya naman wala rin gaanong respeto ang mga motorista sa ahensya. Wala akong sinisisi dito. Lahat ng mga dating pinuno ng MMDA ay nabigyan ng pagkakataon upang ayusin at pagandahin ang kaayusan ng Metro Manila.

Ang hamon talaga ay kung paano mapaniniwala ang mga motorista na seryoso ang MMDA na ayusin ang trapiko sa ating lansangan, kasabay nito ay ang wastong pag-unawa at haba ng pasensya sa mga matitigas ang ulo at pilosopong motorista na lumalabag sa ating batas trapiko.

Mabuti na rin na hindi politiko ang itinalaga ni Pangulong Marcos. Bukod pa rito ay dating opisyal ng MMDA si Artes bago siya ay na-appoint bilang chairman. Dahil sa kanyang malawak na karanasan sa MMDA, ang dating mali, galaw at sistema sa loob ng ahensya ay binigyan siya ngayon ng pagkakataon upang ayusin ito.

Dagdag pa rito ay alam niya ang kahalagahan ng boses ng Metro Manila Council na binubuo ng lahat ng mayors ng Metro Manila upang makagawa ng mga direktiba sa paglutas ng mga problema sa trapiko, basura, flood control at mga bagay-bagay upang maayos ang Metro Manila.

 

45

Related posts

Leave a Comment