POGO-POLITICS

 DPA ni BERNARD TAGUINOD

NAGKALAT ang mga Chinese sa buong mundo, kaya bukod sa India, sila ang may pinakamalaking remittances o perang ipinadadala nila sa kanilang mga mahal sa buhay na naiwan sa kanilang bansa.

At ang pinaka paboritong bansa na kanilang puntahan ay ang Pilipinas dahil napakadali nilang napapaikot ang ating batas dahil sa mga Filipino na corrupt, na hindi lamang matataas ang tungkulin ang sangkot kundi maging ang mga empleyado sa mababang posisyon ay kanilang kasabwat.

Hindi lahat ng Chinese nationals na pumunta sa Pinas ay utak-kriminal, at gusto lang nilang makaahon sa kahirapan sa kanilang bansa kaya nandito sila, at maging sa ibang bansa, dahil hindi naman talaga mayaman ang lahat ng 1.4 bilyong populasyon ng China.

Pero marami ang pumunta rito sa ating bansa para maghasik ng kriminalidad tulad ng pagtutulak ng ilegal na droga, bagay na hindi nila magawa sa kanilang bansa dahil agad silang bibitayin kapag nahuli sila.

Nagkaroon sila ng impluwensya sa mga politiko kaya nagkaroon ng tinatawag na ‘narco politicians” at kung hindi man ay sila ang nagpopondo sa isang kandidato para ‘pag nanalo sa eleksyon ay magbibigay sa kanila ng proteksyon.

Marami na tayong naririnig na mga impormasyon at ulat na may Chinese nationals ang dikit sa kilalang politicians at dahil sa proteksyong nakukuha nila ay hindi sila nahuhuli at nakakasuhan man lamang.

Noong 2016, pinayagang ipasok ng mga Chinese gambling lord ang kanilang offshore gaming operation sa ating bansa na tulad ng ilegal na droga, ay mahigpit na ipinagbabawal sa China, kaya pumunta sila rito.

Una nilang inilagay ang ilegal na sugal na ito sa ibang Southeast Asian countries pero hindi sila umubra, kaya rito sila pumunta dahil madaling ma-corrupt ang mga opisyales ng pamahalaan lalo na ‘yung mga traydor sa bayan.

Tulad ng ibinabala noong payagan ang POGOhan sa Pilipinas, naghasik ng kriminalidad ang POGO officials at workers sa ating bansa dahil sa kinasasangkutan nilang prostitusyon, human smuggling, money laundering, kidnap for ransom, murder, tax evasion at kung ano-ano pang krimen.

Ngayon ay mukhang hindi kontento ang mga Chinese syndicate sa krimeng ginagawa nila sa ating bansa dahil tulad ng mga sangkot sa ilegal na droga, pinasok na rin nila at ng mundo ng pulitika sa ating bansa.

Meron na raw tayong POGOPolitics dahil nagtanim na ang mga sindikatong ito ng mga politiko sa mundo ng pulitika sa ating bansa na ang layon marahil ay maproteksyunan sila sa kanilang ilegal na mga aktibidad.

Hindi lang si Mayor Alice Guo ang pinaghihinalaang bata ng POGO operators dahil mas marami ang nauna sa kanya at humahawak na ng maseselang posisyon sa gobyerno hanggang sa kasalukuyan.

22

Related posts

Leave a Comment