LUYA SUMIPA ANG PRESYO, BAWANG HUMAHABOL?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

HINDI na naawa itong mga negosyante, sa hirap ng buhay ngayon, nakadagdag pa itong problema ng pagsipa ng presyo ng luya.

Batay sa ating natanggap na impormasyon, kaya umano sumipa ang presyo ng luya ay dahil itinago na naman ito ng mga negosyanteng mapagsamantala.

Binili nila nang mura ang luya sa mga magsasakang Pinoy at itinago nila kaya nawalan ng suplay sa merkado kaya hayun sumipa ang presyo.

Dahil nawalan ng suplay ng luya sa merkado, tumaas tuloy ang presyo nito.

Nang tumaas ang presyo ay saka naman inilabas ngayon ng traders ang kanilang mga inimbak na luya.

Kaya hayun, tubong lugaw ang mga damuho! Kawawa ang lahi ni Juan dela Cruz, hikahos na naman, tag-ulan pa naman ngayon.

Na-PUNA natin na umaabot sa P300 ang kada kilo ngayon ng luya sa mga pamilihan.

Kung nakuha ito ng traders sa P100 kada kilo, at ngayon ay binebenta nila ng P300 kada kilo, tumataginting na P200 ang tubo nila sa kada kilo.

Ang galing nila, sila na ang nagdidikta ng presyo ng pangunahing mga bilihin sa bansa.

‘Pag gusto nilang pataasin ang presyo ng pangunahing mga bilihin ay bibili sila nito nang bulto-bulto at itatago. ‘Pag nawala ang suplay nito sa merkado, tataas ang presyo, saka naman nila ngayon ilalabas at ibebenta sa mahal na presyo.

Humahabol din sa pagtaas ng presyo ang bawang na umaabot na ng P200 kada kilo.

Kung kailan pa man din papalapit na ang ber months na maraming kinakailangan na ganitong mga sangkap sa pagluluto, ay saka pa nagtataasan ng presyo.

Kaya siguradong hindi na ito bababa hanggang sa Kapaskuhan at posibleng lalo pang tumaas.

Ano ang ginagawa ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA)? Hindi ba nila kayang kontrolin ang pagtaas ng presyo ng mga bilihing ito?

Hindi ba nila kayang supilin ang mapagsamantalang mga negosyante?

Nagiging paulit-ulit na lamang ito at hindi natutuldukan ang ginagawang pananamantala sa taumbayan.

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

22

Related posts

Leave a Comment