POLITICAL SOUNDBITES LANG NI BBM

DPA ni BERNARD TAGUINOD

ISA lamang political soundbites ang pangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na ibababa nito sa P20 ang presyo ng bigas kada kilo para makuha ang atensyon ng sambayanang Filipino at nagtagumpay naman siya kaya siya nanalo.

Ngayon ay naniningil na ang mga bumoto sa kanya noong 2022 dahil imbes na bumaba ang presyo ng bigas ay tumataas pa at baka lalo pang tumaas dahil tiyak na kakaunti ang produksyon ngayong taon dahil sa pagbaha na idinulot ng Bagyong Egay.

Alam ko na mismong si Marcos ay hindi naniniwala sa kanyang sinabi na kaya niyang ibaba sa P20 ang presyo ng kada kilo ng bigas dahil kahit noon, hindi makapagbenta ang National Food Authority (NFA) ng ganitong halaga ng bigas dahil ang pinakababang presyo nila bago naging batas ang Rice Liberalization Law, ay P27 na.

Pero gustong magpabango si Marcos sa mga botante at kailangang niyang bitiwan ang pangakong ‘yan kahit sa kanyang sarili mismo ay alam niyang imposible, dahil maganda itong soundbites sa mga miyembro ng mainstream media at pumatok naman.

Sa Thailand nga na numero unong rice producers at importer na siyang pinagkukunan natin ng supply, ay P29.90 ang kada kilo ng bigas tapos tayo na walang kasiguraduhan na maging self-sufficient tayo at walang maibigay na tulong sa mga magsasaka, maibababa niya sa P20 ang kada kilo?

Binola lang kayo ni Marcos at nagpabola naman kaya kahit anong iyak ang gawin ng 31 million na bumoto sa kanya na tuparin ang P20 na presyo ng kada kilo ng bigas, ay hindi mangyayari. Imposibleng mangyari at hindi mangyayari dahil pakonti nang pakonti ang produksyon natin dahil nawawalan na ng gana ang mga magsasaka na magtanim dahil kapag anihan ay binabarat ang kanilang ani.

Pakonti rin nang pakonti ang lupang sinasaka o tinataniman ng palay sa ating bansa dahil walang habas ang land conversion. Imbes na taniman ng palay ay ginagawang subdivision ang mga palayan, ginagawang commercial complex ang mga taniman.

Kahit may magic si BBM ay hindi ‘yan matutupad kaya huwag na kayong umasa at tanggapin n’yo na lang na nabudol kayo at idalangin n’yo na hindi mangyari ang kwento ng mga magulang natin na noong panahon ng Martial Law, napilitan ang mga tao sa Metro Manila na pumila para makabili ng ilang kilo ng bigas dahil sa kakulangan ng supply.

Kaya lang naman nakapagbenta ng bigas sa halagang P25 kada kilo sa Kadiwa Centers ay dahil ‘yung buffer stock ng NFA ay doon dinala imbes na ilaan ‘yun sa panahon ng kalamidad para may makain ang mga taong maaapektuhan ng bagyo.

Kaya pala branded ang mga bigas na ipinamimigay ng gobyerno sa mga naapektuhan ng Bagyong Egay dahil ubos na siguro ang buffer stock ng NFA.

Ilan lang ba ang nakinabang sa Kadiwa Centers? 1.8 milyong pamilya? Mahigit 25 milyon ang pamilya sa Pilipinas kaya hindi ‘yan ramdam at ilan beses lang ba sila nakabili sa ganyang halaga? Baka minsan lang tapos isinama sila sa istatistika.

Ang gusto ng mga tao, hindi lang sa mga kadiwa Center maglagay ng P25 kada kilo ng bigas kundi sa lahat ng palengke na imposible na naman dahil alam natin na walang mabiling P25 kada kilo ng bigas sa world market at walang magsasaka na magbebenta ng ganyang halaga dahil ang ‘cost of production’ ngayon bawat kilo ng palay ay P15 na.

95

Related posts

Leave a Comment