POSIBLENG MAPURUHAN SA CYBER LIBEL SI DOC LEACHON

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

MADALING mag-post online, ngunit kailangang tiyakin at patunayan muna ang impormasyon bago ito ibahagi o isapubliko.

Kahit siguro maganda ang intensyon at walang halong malisya ang itinataguyod ay kailangang timbangin ang gustong sabihin dahil baka akalain na ito ay paninirang-puri.

May katapat itong cyber libel dahil sa epekto nito sa indibidwal o organisasyon lalo’t peke ang pahayag na nakasisira sa reputasyon ng indibidwal o grupo.

Tulad nito: Si Dr. Tony Leachon ay sinampahan ng kasong cyber libel sa National Bureau of Investigation ng Bell-Kenz Pharma Inc. dahil sa pagpapakalat sa online ng “malicious, reckless, and baseless” accusations.

Inaakusahan ni Dr Leachon, isang health advocate, ang Bell-Kenz na sangkot sa “unethical practices”.

Sangkot daw ang Bell-Kenz sa multi-level marketing at pyramiding schemes, at nag-aalok ng magagarbong insentibo sa mga doktor na magrereseta ng kanilang gamot.

Sa mga pahayag ni Dr. Leachon ay sinabi niyang ilang “whistleblowers” ang lumapit sa kanya at nagkumpirma ng mga nasabing impormasyon na kanyang isinapubliko.

Ito ay malinaw na sabi-sabi lamang at walang sapat na katibayan. Sa ibang salita, hearsay.

Sa kanilang isinampang cyber libel case sa NBI, sinabi ni Bell-Kenz Corporate Secretary Atty. Joseph Vincent Go na walang basehan ang alegasyon ni Dr. Leachon at nagresulta na ito ng pagkasira ng kanilang reputasyon bilang isang mapagkakatiwalaang pharmaceutical company.

Nagresulta rin ito ng pagkasira sa reputasyon ng mga doktor na mas pinipili na magreseta ng mga gamot na gawa ng Bell-Kenz na mas mura kaysa iba.

Desidido ang Bell-Kenz na ipagtanggol ang kanilang kumpanya at inihahanda pa umano nila ang iba pang kaso laban kay Dr Leachon.

Sinabi ni Atty. Go na handa silang humarap sa mga imbestigasyon ng Senado o ng iba pang government health regulatory bodies, ngunit hiling nila ay mabigyan sila ng patas na pagtrato.

Isa sa hiling ng Bell-Kenz sa NBI ay maalis sa social media ang mga nakasisirang posts na sinabi ni Dr. Leachon nang walang sapat na ebidensya.

Kung sangkot sa Multi-level marketing (MLM) at pyramiding schemes ang Bell Kenz ay malamang na ito ay mali. Ang MLM at pyramiding scheme ay nakasentro sa recruitment ng tao ngunit ang Bell-Kenz ay nagbebenta ng pharmaceutical products at hindi nag-ooperate sa pamamagitan ng recruitment incentives.

Ang pagbibigay naman ng magarbong regalo sa mga doktor ay luma nang isyu.

Oo na, “unethical” ang ganitong gawain ngunit maaari rin pagbintangan ang ibang pharmaceutical companies.

Kung ang ganitong gawain ang ibibintang sa Bell Kenz ay hindi lamang sila ang imbestigahan sa isyung ito kundi ang buong industriya ng pharmaceutical.

Sinabi rin daw ni Dr. Leachon na ang Bell-Kenz ay pagmamay-ari ng mga doktor.

Ang ilang pagamutan, drug stores, testing centers at iba pa ay kadalasan din na pagmamay-ari ng mga doktor kaya kung ang Bell-Kenz ay may mga doktor na kabilang sa may-ari ay maaari nating sabihin na ito ay hindi na pinagtatalunang tema.

Kung susuriin, tila pasok nga sa cyber libel si Dr. Leachon dahil nauna ang bintang bago ang ebidensya, maliban pa riyan ang mga isyung inilabas niya ay hindi na bago dahil ito na ang kadalasang inuugnay sa pharma companies.

Ngunit, bakit ang Bell-Kenz ang pinupuntirya? Baka kaya dahil malaki itong kumpanya at magaganda ang gamot na mas pinipili ng mga doktor.

Hintayin na lang natin ang kahihinatnan ng mga kasong ito.

74

Related posts

Leave a Comment