PRAYER RALLY VS HOMONHON ISLAND MINING MATAGUMPAY

PUNA ni JOEL O. AMONGO

LIBONG katao ang nakiisa sa JERICHO PRAYER ASSEMBLY na ginanap sa Immaculate Conception Church sa Guiuan, Eastern Samar noong Enero 20, 2024 upang ipakita ng mga ito ang kanilang mahigpit na pagtutol laban sa ginagawang pagsira ng mga mining company sa historical island ng Homonhon at Manicani sa naturang lugar.

Bagama’t hindi pinayagan ni Guiuan Mayor Annaliza Gonzalez-Kwan ang prayer rally ng mga Estehanon, ay itinuloy pa rin ito ng libo kataong environmentalists, philanthropists at parishioners na nagmula sa iba’t ibang lokalidad.

Narito ang mga dahilan kung bakit hindi pumayag si Gonzalez-Kwan sa JERICHO PRAYER ASSEMBLY, 1: The exercise of the right of freedom of speech and to peacefully assemble and petition the government for redress of grievances is not absolute for it may be so regulated that it shall not be injurious to the rights of the community or society. 2: Non-residents of Guiuan should not intervene in the resolution of political and economic issues particular to this Municipality and its residents. 3: Due to lack of evidence on record that will assure the public that no leftists, provocateurs, infiltrators and criminals will take advantage of the rally and disrupt the peace and order in this Municipality.

Hindi rin nakatanggap ng suporta ang mga tumututol sa mining sa Homonhon Island at Manicani mula kay Eastern Samar Governor Ben Evardone.

Duda tuloy ng mga taga-Eastern Samar o Estehanon, may mas malalim na dahilang kung bakit wala silang kakampi sa mga politikong kanilang inihal, sa paglaban sa mga minahan sa lalawigan.

Kabilang sa mining company na nag-o-operate sa Homonhon Island ay ang Emir Mineral Resources Corporation; Chromite King, Inc.; Nickelace Inc.; at Mt. Sinai Mining Exploration and Development Corporation.

Base pa sa natanggap nating impormasyon, libong katao daw ang nabigyan ng trabaho dahil sa pagmimina na ‘yan kaya pabor dito si Mayor Gonzalez-Kwan.

Hanggang kailan ang mga trabaho na ‘yan? At hanggang kailan naman ang epekto ng pagmiminang ‘yan sa kalikasan at sa kabuhayan ng mga residente ng Homonhon Island?

Sabihin na nating legal ang apat na minahan na ‘yan na nag-o-operate sa Homonhon Island kaya nakakapagmina sila sa lugar, pero sila ang sumisira sa kagandahan ng makasaysayang Homonhon Island kung saan unang dumaong ang mga Espanyol bago nagtungo sa Mactan, Cebu.

Imbes na protektahan at pagandahin ang makasaysayang lugar na ito ay pinayagan pang pagminahan ng mga kumpanyang ito na walang pakialam sa kalikasan.

Kaya hindi titigil ang mga Estehanon sa kanilang paglaban kahit na wala silang kakampi mula sa kanilang inihalal na mga opisyal ng lalawigan at bayan ng Guiuan.

Sa pinakahuli nating natanggap na impormasyon, matindi raw ang alikabok na nanggagaling sa minahan na ‘yan na nagdudulot ng mga sakit sa mga residente ng isla.

Tuloy ang kanilang isasagawang mga protesta sa Guiuan man o sa Metro Manila hangga’t hindi ipinatitigil ang operasyon ng mga kumpanyang nagmimina sa makasaysayang Homonhon Island at Manicani.

Ang pahinang ito ay bukas para sa sagot nina Eastern Samar Gov. Evardone at Guiuan Mayor Gonzalez-Kwan.

oOo

Para sa sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

45

Related posts

Leave a Comment