ONE CHINA POLICY DAPAT NANG REBYUHIN

DPA ni BERNARD TAGUINOD

NARARAPAT na sigurong silipin uli ang One China policy agreement sa pagitan ng Pilipinas at China dahil ngayon pa lamang ay mistulang binubusalan na tayo ng bansang ito, mukhang pabor lang sa kanila ang kasunduang ito.

Itininta nina dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., at dating Chinese Premier Zhoy Enlai ng People’s Republic of China, ang Joint Communiqué na ito noong June 9, 1975, na isang China lang ang dapat kilalanin ng Pilipinas.

Ibig sabihin, hindi dapat kilalanin ng Pilipinas ang Taiwan bilang hiwalay na bansa sa China, kaya wala tayong embahada sa Taiwan at ang tanging kasunduan natin sa mga Taiwanese ay pang-ekonomiya lamang.

Nakasaad sa Joint Communique ang mga katagang “The two Governments agree to settle all disputes by peaceful means… without resorting to the use or threat of force,” pero ang China ang mismong lumalabag sa kasunduang ito.

Ang patuloy na pambu-bully at pananakop ng China sa West Philippine Sea (WPS) ay paglabag sa kasunduang ito dahil gumagamit na sila ng dahas sa mga Filipino at inaagaw ang ating teritoryo.

Ang masaklap sa lahat, naghahari na sila sa WPS. Sila na ang nakikinabang sa yamang dagat at sila pa ang matapang dahil alam nilang hindi natin kayang tapatan ang kanilang puwersa sa karagatan.

‘Yung pagbabanta ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Mao Ning na “Don’t play with fire” nang batiin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang bagong halal na Taiwanese president, ay malinaw na pagbabanta sa Pilipinas at paglabag sa nilalaman ng Joint Communique.

Kaya dapat na sigurong irebyu ang kasunduang ito dahil pandidikta ito ng China sa Pilipinas at kapag hindi ka sumunod ay pagbabantaan tayo tulad ng pagbabantang ginawa ni Mao Ning kailan lang.

Para bang ina-apply na ng China sa mga Filipino ang pambubusal nila sa kanilang mamamayan na sinoman ang kumontra sa kanilang gobyerno ay aarestuhin at ikukulong, dahil isa kang banta.

Walang demokrasya sa China. Bawal batikusin ang gobyerno at walang ‘say’ ang mga Chinese kung sino ang kanilang gustong mamuno sa kanila dahil ang mamimili ng kanilang presidente ay ang National People’s Congress.

Mahigit 1.4 billion ang mga tao sa China pero ang namimili o naghahalal ng kanilang pangulo ay 3,000 lamang na miyembro ng NPC kaya walang demokrasya sa bansang ito. Walang ‘say’ ang mga tao.

37

Related posts

Leave a Comment