PRE-SHADED BALLOTS SA OAV, ISOLATED LANG!

Aksyon OFW

MAGANDANG araw, mga ka-Saksi at mga kabayani!

Pinawi ng Department of Foreign Affairs ang pangamba ng ilang sektor na nagkaroon ng posibleng dayaan sa nagpapatuloy na Overseas Absentee Voting (OAV) sa abroad.

Bagama’t inamin ng DFA na may isang ‘spoiled ballot’ na naibigay sa OFW sa Singapore na kinakitaan ng pre-shaded na balota, ito ay isang isolated case lamang at human error, “I would like to emphasize and inform the Committee that there is no truth to the ­allegations circulating in social media that pre-shaded ballots were distributed to overseas voters. Except for that incident in Singapore wherein there was an impression that a ­pre-shaded ballot was given,” paliwanag ni Usec. Brigido Dulay sa pagdinig ng ­Senate Committee on Electoral ­Reforms noong Martes.
Inimbestigahan din aniya ng Phil. Embassy sa Dubai ang napaulat na pre-shaded ballot pero ito aniya ay isang ‘fake news’.
***

Hirit naman ni Sen. Imee Marcos, chairperson ng ­Senate Committee on Electoral Reforms, palawigin pa ang oras ng pagboto ng mga kabayani natin sa abroad.
Katwiran ni Marcos, ­reklamo ng mga OFW na nakaranas sila ng mahabang oras sa pila, nabalam na election paraphernalia, doble-doble ang mail-in ballots at ‘yung iba may ‘shade’ na ang ilang balota, at iba pa.

Sangkatutak din ang ­reklamo sa ibang embassy na diumano’y sa labas lang ng konsulado at embahada sila nagsusulat sa balota.

Sinalubong din ng iba’t ibang aberya sa Hong Kong, Singapore, U.S., Italy, New Zealand, Saudi Arabia, United Kingdom, at Sweden.

“Humihirit ako sa Commission on Elections (Comelec) na ang pinakamabilis na IMEEsolusyon diyan eh palawigin ang oras ng pagboto ng ating OFWs sa mga embahada at konsulada ng bansa,” pahabol ni Marcos.

Kinuwestyon din ni Marcos ang pagbabawal sa mga ‘accredited observer’ sa paglilista ng destinasyon at iba pang detalye ng mga balotang itatransport sa buong bansa habang papalapit na ang May 9 elections.

Apela ng inyong lingkod sa mga botante, iboto ang nararapat, may karanasan, may malasakit sa bayan at mga Pilipino.

Panahon ito na kung saan dapat magkaisa ang mga Pinoy para sa mabilis na pagbangon at pag-usad ng ating kabuhayan at ekonomiya na pinadapa ng pandemonyo ng COVID-19.

Para sa ibayong sumbong, reaksyon, opinyon at suhestyon, mag-email lang sa dzrh21@gmail.com.

129

Related posts

Leave a Comment