DESPERADONG TRAPO

HALOS tatlong linggo na lang ang nalalabi sa panahon ng kampanya at alam na marahil ng mga kandidato ang kanilang kalalagyan pagsapit ng takdang araw ng halalan. May sasampa sa pwesto, mayroon din namang diretso sa posonegro.

Kapa na kung sino ang liyamado at mga kailangang magdasal para sa isang milagro. Pero sa ikalimang distrito ng Quezon City, sadyang kakaiba ang estilo ng mag-utol na pulitikong tila ba naghuhuramentado.

Bakit kamo? Sa pinakahuling political survey sa nasabing distrito, lumalabas na dehado ang kapatid ng nakaupong kongresista. Kaya naman ang kanilang taktika, umaatikabong kasinungalingan sa social media.

Sa kanilang pinakabagong gimik, binira ang isang ­programa kasabay ng paratang ng vote-buying sa kalaban sa pulitika. Ang siste, sablay pala ang patutsada – kasi naman pati mga batang edad 17 pababa, pinaratangang nagbenta ng boto. Susmaryosep, paano magagawang magbenta ng boto ang hindi pa naman pwedeng bumoto?

Partikular na pinuntirya nina incumbent Rep. Alfred Vargas at kapatid nitong si Quezon City Councilor Patrick Michael Vargas ang scholarship program para sa mga batang maralita, palibhasa nasapawan sila ng isang bagito sa pulitika.

Ang totoo, pwede naman si Rep. Vargas – o ang kapatid nitong konsehal – ang dinumog ng mga estudyanteng mara­lita kung meron ganung klaseng programa. Ang alam kong meron sila, kasong isinampa ng hindi bababa sa 500 pamil­yang nadorobo sa pekeng pabahay sa mga bakanteng lote ng Buenamar Subd., Barangay Novaliches Proper at maging sa Palmera Homes, Barangay Sta. Monica sa District 5, Quezon City.

Hindi ako abogado at sa aking sapantaha, hindi kailangan maging abogado para maunawaan ang walang sustansyang pagbubunganga ng sumisibol na dinastiya sa ikalimang distrikto.

Sa kalatas ni Atty. Manuel Jeffrey David – isa sa mga tagapagtaguyod ng nasabing programa – karamihan aniya sa mga personal na nagpalista sa hangaring makapag-aral nang libre sa ilalim ng scholarship program ni Rose Lin (mas kilala sa tawag na Ate Rose sa nasabing distrito) ay mga batang edad 17 pababa.

Nasaan ang vote-buying sa programang puro bata ang nagpalista? Paano sasabihing binibili ang boto ng mga batang ‘di pa naman pinahihintulutang lumahok sa halalan? Bakit programa ang binabaterya? Bakit hindi nila kasuhan ‘yung mga inaakusahan nilang nagbenta ng boto?

Isa lang ang malinaw – paandar na kalakip ng maruming pamumulitika ang kanilang patutsada – walang sustansya pero mapamuksa lalo pa’t kinabukasan ng mga bata ang kanilang inaasinta.
Hindi botante ang mga bata at walang pulitikong nasa tamang katinuan ang bibili ng boto ng mga batang hindi pa naman pwedeng bumoto sa nalalapit na halalan sa Mayo.

Ang tanong – nasa katinuan ba ang epal na kongresista at ang utol niyang sunud-sunuran lang sa kanya? Parehong utak ipis!

(Si Fernan Angeles ay ­editor-at-large ng SAKSI Ngayon)

123

Related posts

Leave a Comment