KAALAMAN Ni Mike Rosario
SANA ay magtuloy-tuloy na ang pagbaba ng presyo ng sibuyas dahil tapos na ang holiday season.
Mula sa dating P600 kada kilo ng pulang sibuyas ay nasa P400 na lang ngayon.
Bagama’t dalawang daang piso ang ibinaba ng kada kilo ng sibuyas ay mataas pa rin ito mula dating nakasanayan na presyo nito sa mga palengke.
Kung tutuusin, sa P400 kada kilo ng sibuyas ay mahal pa rin ito para sa mga Pilipino dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin tayong nakababawi sa epekto ng COVID-19.
Napansin lang natin sa gobyerno na wala silang magawa na mapigilan ang mabilis na pagtaas ng presyo ng agri-products lalo na ang sibuyas.
Mahigit sa 8% ang itinaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa kaya maraming pamilya ang umalma dahil nahirapan sila, hindi nila alam kung saan sila kukuha ng pagtustos sa sobrang taas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Halos lahat ng agri-products nitong nakaraang Kapaskuhan ay sobrang taas na ang presyo.
Sa katunayan, hanggang ngayon ay nananatiling mataas pa rin ang presyo ng mga karne.
Nagtataka lang tayo na ang ilang gulay, tulad ng siling labuyo na matatagpuan lamang sa ating mga bakuran, kung bakit nagtataas din ang presyo nito.
Kaya maraming nagtatanong kung bakit hindi ito masolusyunan ng kasalukuyang administrasyon.
Ginagawang dahilan ng gobyerno ay ang hindi matapos-tapos na giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia.
Ito rin daw ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay nananatiling mataas ang kada litro ng mga produktong petrolyo sa bansa.
Sa pinakahuling pagkakaalam natin, ang mga produktong petrolyo ay naglalaro ang presyo kada litro mula P58 hanggang mahigit P60.
Kaya naisip ko tuloy na manawagan na iboykot ng taumbayan ang sibuyas, huwag munang gumamit ng sibuyas sa kanilang pagluluto kahit isang linggo lang para mapilitan ang mga negosyante na ibagsak ang presyo nito.
Dalawa lang ang pagpipilian ng mga negosyante, ibenta nila nang mura ang mga sibuyas o masayang na lang ito na mabulok at hindi na mabawi ang kanilang ipinuhunan.
Malaking pera ang kinita ng mga negosyante sa sobrang mahal ng presyo ng mga sibuyas partikular nitong holiday season na maraming gumamit nito dahil sa kaliwa’t kanang handaan.
Ngayon, dahil nasa P400 pa ang kada kilo ng sibuyas ay nagtitiyaga na lang ang iba nating mga kababayan na gumamit ng maliliit na sibuyas na may dahon na ang tawag sa Ilocandia ay lasuna.
Ang kada kilo ng lasuna ay nasa P200, mas mababa ang presyo nitong P200 kung ikukumpara sa mas malalaking pulang sibuyas.
Kilos din, mga nasa gobyerno, ‘wag natin ipaubaya sa mga negosyante na sila ang magdidikta ng presyo ng mga bilihin.
617