PRESYO NG TUBIG SA CAMIGUIN KALBARYO SA CONSUMERS

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

MAY kasabihan na “Water is life, and clean water means health.”

Pero taliwas ata ito para sa consumers ng Camiguin na dumaranas ng pasakit at alta-presyon dahil sa mataas na singilin sa tubig na halos doble kumpara noon na hindi pa pumapasok sa isang kasunduan ang local cooperative at isang pribadong kompanya.

Mababatid na ang Camiguin Integrated Water System Cooperative (CIWASCO) at Camiguin Water Company (CWC) ay lumagda sa isang joint venture and lease agreement noong Setyembre ng taong 2022, upang magtatag ng pinagsama-samang sustainable at maayos na suplay ng tubig sa Camiguin.

Sa pakiramdam ng mga residente ay tila ginigisa sila ng CWC sa sariling mantika dahil halos limang porsiyento ng kanilang kinikita kada buwan ay napupunta sa pagbabayad ng water bill gayundin sa iba pang batayang serbisyo.

Sa pagsipi sa kwenta ng base rate ng CWC na makikita sa kanilang website, ang normal na konsumo na 17 cubic meter kada buwan para sa isang pamilya na may apat o lima katao, pumapalo ang kanilang basic charges sa P454.18 kada buwan.

Kung ikukumpara ang Manila Water ay naniningil lang ng average na P250 bawat buwan sa kanilang consumers. Ang kompanyang ito ay nagsisilbi sa 7.6 milyong customer mula sa East Zone ng Metro Manila at Rizal Province.

Samantalang ang Camiguin Island na may 92,800 na populasyon ay dumaranas ng mataas na singilin sa kabila na sagana sa tubig ang isla mula sa Mount Timpoong Hibok-hibok. Makikita din ang mga hot at cold spring sa bawat panig ng lalawigan.

Ika nga ng mga nagmamalasakit, hindi makatarungan na mapunta lang sa pagbabayad sa tubig at kuryente ang perang pinaghihirapang kitain ng mga consumer sa Camiguin.

Naitala na mababa pa sa P9,000 monthly income ng bawat manggagawa sa serbisyo sa nasabing lalawigan.

Lagpak na lokal na ekonomiya, doble pasakit.

Lalong pasakit sa residente na makaahon sa buhay dahil lagapak ang lokal na ekonomiya ng lalawigan sa kabila ng pananaw ng mga turista na maraming kaaya-ayang pasyalan ang probinsya ng Camiguin

Hitik sa magagandang tanawin ang lalawigan. Bukod sa malinis na tubig mula sa talon, ilog, lawa at karagatan, tumatamis ang paligid gawa ng tamis ng lansones na pamoso ang lalawigan, katunayan, mayroon silang taunang Lanzones Festival.

Nasa lalawigan din ang Mount Hibok-Hibok Protected Landscape, na dineklara ng lahat ng Southeast Asian nations bilang ASEAN Heritage Park. Bukod pa rito ang tatlong National Cultural Treasures na Old Bonbon Church ruins, ang Sunken Cemetery ng Catarman, at ang Spanish-era watchtower.

Sa ganda ng probinsya, ‘di mo akalaing subsob pa rin ang kabuhayan ng mga residente – kabilang ang mga katutubo. Kung pagbabasehan ang datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), hindi ramdam ang 1.2% na ambag ng Camiguin sa ekonomiya ng Northern Mindanao.

Plakda rin ang sektor ng agrikultura ng lalawigan.

Kaya matindi ang kahirapan pero malaki ang potensyal nito dahil sa likas nitong yaman, mapa-agrikultura, pangisdaan o turismo.

Tinaguriang “Island Born of Fire” ang Camiguin dahil tahanan ito ng pitong bulkan na humuhugis at nagbabago ng anyo na pambihirang tanawin. Dahil volcanic soil, mayaman ang lupang pwedeng pagtaniman. Kaso, walang imprastrakturang pang-agrikultura, kulang sa makabagong teknolohiya, at umaangkat ang kanilang lalawigan ng mga prutas at gulay sa ibang karatig lalawigan sa Northern Mindanao.

Hiling ng mga nagmamalasakit na residente na sana bigyan aksyon ng pamahalaang lokal ang karaingan ng mamamayan. Mailapat sa abot-kayang halaga ng mga consumer sa mga batayang serbisyo.

Suportahan din ang pagsasaka, pagtatanim ng gulay at pag-aalaga ng hayop bilang pagsustina sa kanilang “nalulugmok na buhay”.

48

Related posts

Leave a Comment