PRO3 DIRECTOR P/BGEN. PASIWEN KINALAMPAG SA ILEGAL NA SUGAL

BALYADOR ni RONALD BULA

MASIDHI ang pagnanais ni PNP chief, Rodolfo Azurin Jr., na tapusin na ang matagal nang pamamayagpag ng mga operasyon ng ilegal na sugal sa bansa.

Pero tulad ni noo’y OIC PNP chief, Vicente Danao na napurnada ang anti-gambling crusade, tila hindi magtatagumpay si Gen. Azurin.

Ipinag-utos noon ni Danao ang ‘no-nonsense’ vice operations na sanhi ng pagkakatanggal ng PNP officials na ‘di sumusunod sa kanyang utos.

Ganyan din ang ginagawa ngayon ni Azurin, pero ang nakapagtataka, ang sugal ay ‘di naman nawawala, bagkus dumarami pa.

Dangan kasi, ang utos ni Azurin ay tila wa-epek dahil hindi naman sinusunod ng mga regional at provincial director.

Ang sugal ay nariyan pa rin, dahil hindi naman kumikilos ang kapulisan, lalo na sa mga rehiyon, partikular sa Region 3.

Sa Region 3, hindi mapasisinungalingan ni P/BGen. Cesar Pasiwen na sa kanyang area of jurisdiction namamayagpag ang inuumagang sugalan na drop ball, roleta at color games.

Ito’y dahil ang kapulisan at maging ang local government unit ay ‘di kumikilos para tulungan si Azurin sa kanyang anti-gambling crusade.

Kaya ang hamon natin kay General Pasiwen, dapat ay kalampagin ang mga chief of police at provincial director na umaksyon laban sa nabanggit na mga ilegal na sugal na namamayagpag ngayon sa Central Luzon.

@@@

Ang Bulacan ay itinuturing na gambling capital dahil halos lahat umano ng mga bayan ay namamayagpag ang mga may dayang sugal na tulad ng drop ball, roleta at color games particular na sa mga bayan ng Baliwag, Pandi, Sta. Maria, Bustos, Marilao, Plaridel, Meycauayan, Guiguinto, Balagtas, Bocaue, San Miguel at iba pang bayan.

Bukod sa mga perya-sugalan ay hayagan din ang lantarang operasyon ng jueteng, maging ng saklang buhay at saklang patay pero wala namang naging aksiyon na ginawa dito ang mga chief of police at ang Bulacan PNP provincial director na si P/Col. Relly Arnedo.

Sa tindi ng magdamagang mga operasyon ng ilegal na sugal sa nasabing lalawigan, maliwanag na hindi sinusunod ni Col. Arnedo ang naging pahayag kamakailan ni PNP chief, Rodolfo Azurin Jr., ang katagang, “I am giving you a week. If you will not stop illegal gambling, I will relieve you.”

Kasabay ang pagbibigay-diin ni Azurin sa ‘No take policy’ na ang ibig sabihin, walang sinoman ang dapat tumanggap ng suhol mula sa gambling lords. Kakasuhan at tatanggalin sa serbisyo ang mga pulis na mapatutunayang sangkot o protektor ng ilegal na sugal sa kani-kanilang mga nasasakupan.

Subaybayan natin!

@@@

Para sa suhestyon at reaksyon mag-email lang sa balyador69@gmail.com.

 

166

Related posts

Leave a Comment