Noong Marso ay umani ng batikos ang Manila Water Company Inc. na pag-aari ng mga Ayala dahil sa kakulangan ng supply ng tubig sa mga sakop nitong lugar sa Eastern zone ng Metro Manila kabilang na ang ilang siyudad at bayan sa lalawigan ng Rizal.
Kung hindi pa ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapakawala ng tubig mula sa Angat Dam sa Bulacan ay sobrang hirap sana ang dinanas ng mga nakatira sa Eastern at Southern Metro Manila dahil sa palpak na serbisyo ng Manila Water.
Ngayon naman ay pinoproblema ng administrasyong Duterte ang kontrata sa pagitan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at Maynilad Water Services Inc. matapos makita ng Malacañang na nasa disbentahe ang gobyerno sa naturang agreement.
Panahon ng administrasyong Ramos pinagtibay ang nasabing kontrata ng MWSS at Maynilad at kabilang sa mga disbentaheng probisyon sa gobyerno ay ang pagbabawal dito na makialam sa “terms of the contract” kabilang na ang pagtataas ng presyo ng singil sa tubig.
Inutusan na ni Duterte sina Solicitor General Jose Calida at Justice Secretary Menardo Guevarra, ang pagrepaso sa naturang kontrata para matukoy kung sino ang mga nasa likod nito at masampahan ng kaukulang kaso.
Dahil sa nakaambang krisis sa tubig dala ng umiiral na El Niño na sinabayan ng kapalpakan ng concessionaire na Manila Water, iminungkahi ni Secretary Ernesto Pernia ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang pagtatatag ng Department of Water.
Noong una ay hindi binigyang pansin ang panukalang ito ni Secretary Pernia pero malamang na nakita ng Malacañang ang pangangailangan ng komprehensibong estratehiya para tugunan ang krisis sa tubig kung kaya binigyang halaga ang Department of Water.
Seryosong pinag-aaralan na ng administrasyong Duterte ang pagtatayo ng isang Department of Water na siyang mangangalaga sa water resources ng bansa sa gitna ng nakaambang krisis sa tubig.
Kinakailangan ng panukalang batas para sa paglikha ng Department of Water at siguradong magtatagal ang proseso ng lehislasyon puwera na lamang kung sesertipikahan ito ng Malacañang na “urgent piece of legislation.”
Sa kagyat, ang mas madaling isakatuparan ay ang paglalabas ng isang executive order na magpapalakas sa National Water Resources Board (NWRB) at ang pagsasanib ng River Basin Control Office (RBCO) sa National Water Management Council (NWMC) sa streamlining at konsolidasyon ng pagpaplano at regulasyon ng lahat ng pinagkukunan ng tubig kabilang na ang mga ilog sa bansa.
Ang pinatatag na NWMC naman ang magsusulat ng National Water Management Framework Plan kung saan kabilang ang “immediate, medium and long-term interventions” sa pagtitipid sa tubig at ang agresibong kampanya para tiyakin ang tuluy-tuloy na supply ng tubig sa Metro Manila at mga karatig lugar nito.
Matagal na dapat pinaghandaan ng mga nakaraang administrasyon ang kasalukuyang krisis sa tubig dahil siguradong nakita na ito ng mga eksperto sa mga ahensya ng pamahalaan gaya ng NWRB, NWMC at RBCO.
Malaking hamon para sa administrasyong Duterte na masolusyunan nang matagalan ang umiiral na problema sa tubig at kung magagawa ito bago matapos ang kanyang termino sa Hunyo 30, 2022 ay isang magandang legacy sa sambayanang Filipino. (SIDEBAR / RAYMOND BURGOS)
169