PROTEKTOR NG ILEGAL NA SUGAL SA CALABARZON SASABIT

BALYADOR ni RONALD BULA

SA kabila ng babala na kakasuhan at tatanggalin sa serbisyo ang mga pulis na mapatutunayang sangkot o protektor ng ilegal na sugal ay mayroon pa ring ilang pasaway na sumasalungat at hindi sumusunod sa utos ni PNP chief, General Rodolfo Azurin Jr.

Ayon sa direktiba, sinasabing nag-aabang na ang mabigat na parusa sa mga police official na nagpapabaya sa kanilang trabaho sa paglaban sa ilegal na sugal sa kanilang areas of jurisdiction.

Pero base sa classified info na natanggap ng SAKSI, hindi umano umubra ang babala ni Azurin maging ang umano’y ‘marching order’ din ni DILG Sec Benhur Abalos, na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno, LGUs at kapulisan, na tumanggap ng pabor (financial favor/payola) mula sa mga ilegalista partikular na sa mga gambling lord.

Kaya tiyak na may mga “sasabit” na matataas na opisyal ng kapulisan sa Calabarzon kapag mahigpit ang paninindigan ni PNP Chief Azurin Jr., sa paglilinis ng kanyang hanay batay sa naunang polisiya ng Philippine National Police (PNP) na internal cleansing sa naturang organisasyon.

Kabilang sa posibleng sumabit ay mga namumuno sa CALABARZON dahil sa ‘di masugpong operasyon ng mga may dayang sugal na drop ball, color games, baklay at roleta, na kumukunsinti sa magdamagang ‘pergalan’ partikular na sa Barangay Alalingan at Poblacion, sa Cuenca, Batangas na may dalawang metro ang layo sa police station, Barangay Lanatan, Balayan, Batangas; Barangay Inosloban, Lipa City; Barangay Aplaya, Bauan, Poblacion, Sto. Tomas, Batangas; Barangay San Pedro Sto. Tomas Batangas; Mataas na Kahoy tapat ng Barangay Hall, Sa Bayan ng Laurel sa tabi ng police station, at simbahan ng Don Luis sa San Jose, Batangas; Biñan, Laguna; Barangay Sto. Tomas, Barangay Kalaboso, Sto. Domingo, Balibago, Sta. Rosa Sports Complex sa Sta. Rosa, Laguna; Pangao sa bayan ng Ibaan, Batangas; Sitio Pulong Diablo, Brgy. San Isidro, Montalban, Rizal at iba pa na talamak ngayon sa mga nabanggit na lalawigan na sinasabing ginagawang gatasan ng ilang tiwaling police official.

Kaakibat ng pamumuno sa organisasyon ay ang responsibilidad at ang mabigat na pananagutan, kaya ang mga chief of police, provincial at regional director na nabigyan ng kapangyarihan sa bisa ng mandato ng “police service” ay may pananagutan batay na rin sa doktrina ng command responsibility.

Kaya kung sakaling may pagkukulang at pagpapabaya nga sa kanilang tungkulin ang mga police official na nakakasakop sa mga nabanggit na lugar dahil sa di pag-aksyon laban sa magdamagang operasyon ng drop ball, roleta, baklay at color games, ay pagpapabaya sa tungkulin ang tawag dito.

Kaya kung totoong nagpapabaya nga si CALABARZON PRO-4A Regional Director P/BGen. Melencio Nartatez, maging ang kanyang mga provincial director, na walang kakayahang supilin ang may mga dayang sugal na itinuturing na notoryus kung saan marami na ang nabuang at naging adik sa sugal, ay wala na sigurong karapatang manatili pa sa kanyang pwesto dahil nakahihiya ito kina PNP Chief Azurin at DILG Sec. Benhur Abalos.

320

Related posts

Leave a Comment