PTEs PANALO KAPAG NAGPUTOL NG LINYA

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

DALAWANG buwan na lang ay isasara na ang telon para sa mobile phone registration pero marami pa ring scammers ang nagbabakasakaling makapang-scam.

Sigurado itong scammers na ito ay hindi na irerehistro ang kanilang gamit na SIM card ngayon dahil sunog na sunog na ang kanilang numero at baka maging dahilan pa ‘yun ng kanilang kapahamakan.

Pero habang paubos ang araw para sa mandatory registration ng mga SIM card ay sinusubukan pa ng mga scammer na ito na makapambiktima baka sakaling may kakagat pa sa kanilang gasgas nang modus operandi.

Marami pa kasi ang nakatatanggap ng personalized text message na nag-aalok ng pautang na P50,000 hanggang P2 milyon pero wala kang ideya kung sino itong mga Poncio Pilato na nagpapautang ng ganitong kalaki.

Hindi pa rin din tumitigil ang mga scammer na nanghihikayat na maglaro sa online casino at online sabong na kesyo may bonus ka agad kapag kinlik mo ang link na bigay nila.

Kahit gasgas na gasgas na ang ganitong modus at alam na ng mga tao na isang kalokohan ito ay hindi pa rin tumitigil ang scammers sa pagbabakasakaling makapambiktima sila habang may natitira pang oras.

Kasing kulit sila ng callers mula sa mga bangko na nag-aalok ng credit card na pangangakuan ka na walang annual fees at kapag kinagat mo naman ay pagbibigyan ka ng isang taon na walang annual fee at sa susunod na taon may utang ka na sa kanila.

Ang tanong ngayon ay kung kaya ba ng cellphone companies na mairehistro ang 168 million SIM cards hanggang sa Abril sa buong bansa dahil noong kalagitnaan ng Enero, 21 million pa lamang ang kanilang nairerehistro.

‘Yung mga post paid SIM card, wala nang problema dahil ang public telecommunications entities (PTEs) na ang magrerehistro sa National Telecommunication Commission (NTC) dahil hawak naman nila ang lahat ng impormasyon ng subscribers nito.

Ang problema, ‘yung mga pre-paid sim card, siguradong malabong mairehistro lahat dahil marami pa ring subscribers ang walang access sa internet lalo na sa mga probinsya.

Pero kung hindi mairerehistro ang lahat ng prepaid SIM card, ang panalo dito ay ang PTEs dahil dagdag na kita ito sa kanila dahil tiyak na bibili ng panibagong SIM card ang mga mapuputulan ng linya.

Magkano ba ang SIM card ngayon, P30 ba? Ipagpalagay natin na 10 milyong SIM card na lang ang mapuputulan ng linya, malinaw na P300 million ang aakyat na pera sa PTEs dahil bibili at bibili ng bagong SIM card na rehistrado na ang prepaid subscribers.

Ito ba ang dahilan kaya kahit umiiral na ang batas, patuloy pa rin ang bentahan ng SIM card na hindi kailangang irehistro ng sellers? Kayo talaga oh!!!

116

Related posts

Leave a Comment