PULITIKA SA KULAY NG UNIPORME

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

ANG init! Kung pwede nga lang itong itaboy ay ginawa na.

Mag-ingat na lang at sundin ang mga tagubilin para maging ligtas lalo na titindi pa ang nararamdamang init ng panahon sa susunod na mga araw.

Init ‘yan ng panahon na natural na siklo, kaso nga lang tumitindi.

Pero, mas matindi ang mga isyu sa bansa. Lumalagablab na parang apoy kaya tinutupok na ang kahinahunan ng mga Juan at Juana ng bayan.

Isa na rito ang inilabas na alternative uniform guidelines ng Department of Education (DepEd) para sa mga teaching at education support personnel ngayong tag-init.

Takaw-pansin ang kulay ng mapagpipiliang uniform. Base sa photo na inilabas ng DepEd, ang school personnel ay pinapayagang magsuot ng collared DepEd polo shirts na ginamit sa DepEd events at activities, na kinabibilangan ng mga may kulay na puti, pula at green.

Bakit pula at green?

Iyan ang lumitaw na tanong nang punahin ng isang mambabatas ang kulay ng alternate uniform.

Parang mayroong political meaning daw, puna ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro.

Matatandaang pula at berde ang kulay ng UniTeam noong panahon ng kampanya.

Dinidiktahan ba mga guro at support personnel ng kulay na dapat nilang isuot?

Bahala kayo kung anong interpretasyon nyo.

Pero, sana hayaan na lang ang mga guro at non-teaching personnel na pumili ng kulay na type nila – kung sa pakiramdam nila ay kumportable sila sa gusto nila. Katawan nila ang nakararamdam ng init kaya ipaubaya sa kanila ang pagpili.

Kung ito ay maagang pangangampanya sa eleksyon at may kahulugan ng pulitika ay hayaan na rin.

Ang dami na ngang nagpaparamdam at nagsusulputang politiko.

Mas maaga, mas maganda, ika nga nila.

Teka, pwede naman nating itaboy muna ang gumagapang na sikreto at silensyo kunong pangangampanya ng mga gustong sumalang sa darating na halalan.

‘Yung init muna ng panahon, ng temperatura at tumataas na heat index ang ating pag-initan.

Oo na, walang bahid pangangampanya o pulitika ang kulay pula at berde sa alternate uniform ng mga titser at non-teaching personnel, pero ang naturingang kagawaran ng edukasyon ay dapat sanang pinag-aralan ang siyensya ng epekto ng kulay sa init ng panahon. Kulang sa saliksik o may tinamad na namang mag-aral?

Light-colored na damit ang dapat isuot sa ganitong panahon. ‘Yung tinatawag na pastel colors.

Yung matitingkad at makikinang kasing kulay, gaya ng pula at itim ay sumisipsip ng init kaya ang katawan ay lalong tatagiktik sa pawis.

Kung nag-iinit ang ulo n’yo, hayaan na lang muna ang suspetsa o malinaw na senyal na isang anyo ng campaign material ang alternate uniform ng mga titser at mga personnel.

Dedmahin na lang kung political colors ang pinagagamit.

Mas mahalaga ay kung paano maiwasan ang panganib na dulot ng matinding init.

51

Related posts

Leave a Comment