PUV MODERNIZATION HINILING SUSPINDEHIN, ‘DI PA NAPAPANAHON – SEN. PIMENTEL

BALYADOR ni RONALD BULA

UMAPELA si Senate Minority Leader Koko Pimentel sa pamahalaan na suspindehin ‘indefinitely’ o walang taning, ang PUV Modernization Program (PUVMP).

Ayon kay Pimentel, sa ngayon ay hindi pa niya masasabing kailangan ang PUVMP dahil may kasalukuyan namang mga regulasyon tulad sa pagkontrol sa air pollution na siyang problema sa mga lumang jeepneys, na dapat ma-execute o maipatupad muna ng pamahalaan.

Payo ng senador na magpreno muna ang gobyerno sa implementasyon ng programa at pansamantalang ipagpaliban ang ipinapataw na deadline tulad ng anim na buwan hanggang isang taon.

Giit pa ni Pimentel, habang suspendido ang PUVMP ay pag-aralan itong mabuti ng Marcos administration lalo’t ang programang ito ay nagmula sa nakaraang administrasyong Duterte.

Aniya, dapat na sigurado ang kasalukuyang pamahalaan na itutuloy ang PUVMP at suriin muna itong mabuti bago ipatupad dahil anomang kapalpakan ng programa ay ang Marcos administration ang sisisihin.

Kaya naman panawagan ni Pimentel sa pamahalaan na manggaling na mismo sa Ehekutibo ang anunsyo na sususpindehin muna ang PUVMP bunsod ng napakaraming problema, at napakababa pa ng pagtanggap dito ng mga kabilang sa transport sector.

@@@

Para sa suhestiyon at reaksyon, tumawag sa 09397177977 / 09368625001 o ‘di kaya mag-email sa balyador69@gmail.com

171

Related posts

Leave a Comment