MINSAN pa, nakatakdang patunayan ng kasaysayan ang tinuran ng pambansang bayaning si Gat Jose Rizal na nagsabing ang kabataan ang pag-asa ng ating bayan.
Sa inilabas na datos ng Commission on Elections (Comelec) – isang tanggapan ng pamahalaan na ang mandato’y tiyakin ang isang matapat, maayos at mapayapang halalan – lumalabas na mayroong 65.72 milyong rehistradong botante sa nalalapit na eleksyon sa Mayo.
Kung susuriin nang maigi, halos 90% ng mga Pilipino na nasa hustong gulang ang may masidhing pagnanais na lumahok sa isang makasaysayang proseso ng pagpili ng susunod na mga lider ng bansa.
Ang higit na interesante ay ang bilang ng mga kabataang edad 18 hanggang 35-anyos. Higit na kilala bilang millennial generation, sila ay pasok sa kategorya ng mga kabataan, ayon mismo sa National Youth Commission (NYC).
Gaano nga ba sila kadami? Ayon sa Comelec, nasa 56% ng mga rehistradong botante ang mga kabataan, batay sa pamantayan ng NYC. Samakatuwid, mayroon silang kakayahang magluklok ng susunod na Pangulo ng bansa pagsapit ng takdang araw ng paghuhukom ng sambayanan.
Kung tutuusin, hindi lang pangulo ang kayang paupuin ng kabataan – maging ang pangalawang pangulo, mga senador at kinatawan ng iba’t ibang sektor ng lipunan sa Kamara, walang kahirap-hirap nilang mailalagay sa pwesto.
Ang siste, watak-watak ang sektor na winasak ng mga maling paniniwala mula sa iba’t ibang direksyon ng pulitika. May mga namundok sa ngalan ng ideolohiya, may mga nasiphayo sa palsipikadong pangako ng mga trapo at yaong pinili na lang na magsawalang-kibo sa paniwalang wala nang pag-asa ang sintang bayan.
Ganun kalakas ang hanay ng mga kabataan, bagay na nawaglit sa kanilang isipan sa haba ng panahong nagdaan. Sa mga millennial, gen-x, jologs at iba pang terminong tumutukoy sa kabataan – magkaisa at iparinig ang inyong tinig.
Huwag kalimutan, nasa kamay ng mga kabataan ang kinabukasan ng bayan.
119