RAKET SA OEC, MATULDUKAN NA KAYA?

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

PORMAL nang ilulunsad ngayong araw ni Secretary Susan “Toots” Ople ang isa sa kanyang pangunahing pangako na pagkakaroon DMW Mobile app na magagamit sa mabilis na pagkuha ng Overseas Employment Certificate o OEC.

Dahil ayon nga kay Sec. Ople, hindi na kinakailangang mabawasan pa ng panahon para sa pamilya ang OFW para lamang pumila sa pagkuha ng OEC. Ito kasi ang malimit na reklamo ng mga OFW na imbes na gamitin nila ang mga araw para sa kanilang pamilya na matagal na nilang hindi nakakasama, ay kinakailangan pa nilang lumuwas ng Maynila para lamang pumila sa POEA para sa pagkuha ng OEC.

Samantala, ang mga may-ari ng ahensya ay matagal nang tahimik na nagmamaktol dahil diumano ay ginagawa itong gatasan ng ilang opisyal ng POEA na may kinalaman sa pag-iisyu ng OEC.

Ayon sa sumbong ng ilang may-ari ng ahensya na ating nakausap, nagsimula ang kanilang kalbaryo noong nagkaroon ng pandemya.

Nagpalabas kasi ng kautusan ang pamunuan ng POEA na naglilimita sa bilang ng pagkuha ng OEC dahil umano sa safety protocols. Ito ay dahil umano sa kakulangan ng tauhan ng POEA noong panahon ng pandemya at gayundin ang limitasyon sa bilang ng mga tao na maaari lamang papasukin sa tanggapan ng POEA. Dito ay nakahanap ng pagkakakitaan ang iilang mga tauhan ng POEA na nagsamantala sa sitwasyon.

Sa kautusan ay nililimita lamang sa 30 OEC ang pwedeng makuha ng kada ahensya para sa kanilang ide-deploy na manggagawa. Ngunit batid naman ng POEA na higit dito ang pangangailangan ng bawat ahensya dahil halos kada linggo ay kayang magpalipad ng ahensya ng mahigit sa 100 katao.

Ngunit dahil sa patakaran na limitado lamang sa 15 OEC kada araw ang makukuha ng ahensya, ay kumakapit na lamang sa patalim ang mga ahensya upang hindi abutin ng expiration ng visa ang ­aplikante kung kaya nagbabayad na lamang ng P2,000-P3,000 kada “folder” ang ahensya para lamang makarami sila ng maipalalabas na OEC.

Ngunit ngayon na maluwag na ang mga restriksyon kumpara noong taong 2020 hanggang 2021, marahil ay panahon na para magpalabas ng bagong kautusan na pumuputol sa pagkakaroon ng quota sa paglalabas ng OEC.

Gayundin , sa pagsisimula ng “online OEC” ay wala nang dahilan para magkaroon pa ng quota sa pagkuha ng OEC, upang maputol na ang sindikato sa opisina na may kinalaman sa pagkuha ng OEC.

Tiyak na kung malalaman ito ni Sec. Ople ay agad itong magpapatawag ng pulong upang putulan ng sungay ang mga talipandas na kawani ng POEA. Sa tagal na nating nakakasama si Sec.Ople bilang advocate ay kilalang-kilala natin siya bilang kalaban ng tamad, masungit at kurap na kawani ng ating gobyerno.

Handa naman ang grupo ng Special Alliance of Welfare Officers, Advocates, Recruiters and Migrant Workers Inc. (SWARM) sa pamununo ni Atty. David Castillon, na makipagpulong kay Sec. Ople upang matulungan ang kanyang pamunuan na tuluyang malinis ang Department of Migrant Workers (DMW).

28

Related posts

Leave a Comment