RECYCLED NA KASO NG MULTIPLE MURDER

SIDEBAR

Nakatala na sa kasaysayan ng Communist Party of the Philippines ang mga serye ng kampanya para linisin ang kanilang hanay ng mga pinaghihinalaang ahente o infiltrator ng Armed Forces.

“Kampanyang Ahos” ang tawag sa internal na purgahan sa hanay ng CPP at New People’s Army sa Min­danao noong maagang ba­hagi ng dekada 80 at umabot ang nasabing kampanya sa Eastern Visayas partikular sa lalawigan ng Leyte noong 1985 kung saan malakas din ang kilusang rebolusyonaryo.

Noong 1989 ay nagkaroon din ng purgahan ng CPP sa Metro Manila at Southern Tagalog na tinawag na “Olympia” na natigil lamang nang maglabas ng direktiba ang Komite Sentral ng CPP na isang “malaking kahibangan” ang ginawang pag-aresto, pag-torture at pagpatay sa mga kasapi ng rebolusyonaryong kilusan na pinaghinalaang mga ahente ng AFP.

Taong 2000 nakahukay ang mga sundalo ng Philippine Army ng mga buto ng mga sinasabing biktima ng internal na purgahan ng CPP sa Barangay Monterico, Baybay, Leyte. Kahit hindi nakilala kung kanino ang mga nasabing labi, nagsampa ng kasong multiple murder ang AFP laban sa mga kilalang lider ng National Democratic Front kabilang na sina Satur Ocampo at Vicente Ladlad.

Naging depensa noon nina Ocampo at Ladlad na imposibleng may kinalaman sila sa sinasabing “mass graves” sa Baybay, Leyte dahil pareho silang nakakulong noon.  Partikular na nakadetine si Ladlad sa Camp Nakar sa Lucena City, Quezon mula 1983 hanggang 1986.

Dahil malinaw na walang kinalaman ang mga akusado sa sinasabing “mass graves,” ibinasura ng Regional Trial Court ng Baybay, Leyte noong Enero 10, 2005 ang kaso laban kina Ocampo, Ladlad at 48 iba pa.

Sabi pa ng RTC judge sa kanyang desisyon: “A painstaking look into the records of the case will reveal that none of the elements of the crime of murder was sufficiently established by the prosecution. There were no eyewitnesses offered to prove a blow by blow account of what really transpired. There is no showing that the accused killed the victims. The mere exhumation will not necessarily prove identity of the victims.”

Pero hindi pa rin natinag ang AFP at nakahukay muli ng mga buto sa Mt. Sapang Dako, Barangay Kaulissihan, Inopacan, Leyte noong Agosto 28, 2006 pero lumilitaw na ang mga nasabing buto ay yaon ding mga nahukay sa Baybay, Leyte.

Gamit ang mga nasabing mga buto, muling nagsampa ng kasong multiple murder ang AFP laban sa grupo nina Ocampo at Ladlad at ito ay isinampa sa Hilongos, Leyte Regional Trial Court at unang hinawakan ni Judge Ephrem Abando ng Branch 18.

Muling nakasama si Ladlad sa naturang kaso dahil umano sa sinum­paang salaysay ng dalawa umanong dating rebeldeng NPA na miyembro si Ladlad sa Central Committee ng CPP noong 1985.

Naglabas ng warrant of arrest si Judge Abando noong Marso 6, 2007 laban kay Ladlad at mga kasama nitong akusado. Hindi nga lang malinaw kung papaano nailipat ang multiple murder case ni Ladlad sa Manila RTC mula sa Hilongos, Leyte RTC.

Kahapon ay muling dininig ng Manila Regional Trial Court Branch 32 ang lumang kaso laban kina dating Bayan Muna party-list Rep. Ocampo at NDF peace talks consultant Vicente Ladlad na may kinalaman sa “mass graves” sa Leyte.

Walang duda na recycled na kaso ang kinakaharap nina Ocampo at Ladlad sa Manila RTC at gaya ng dati, walang ebidensiya ang AFP laban sa kanila. Depende na lang kung ano ang magiging pagtingin dito ng husgado na minsan nang ibinasura ng RTC sa Baybay, Leyte dahil sa kawalan ng ebidensiya. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

109

Related posts

Leave a Comment