PCOO KOREK SA EU CARAVAN

FOR THE FLAG

Wala namang masama sa press freedom caravan na isinasagawa ng mga delegado ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa Europe, normal na public relations move ito. Kaya ipinagtataka ko kung bakit ngumangakngak itong ilang senador at pinalalaki ang isang non-issue.

Tama iyong caravan na naisip nila, dahil ganyan kaimportante ang imahe ng bansa sa buong mundo, hindi katulad ng ginagawa nina Gng. Leni Robredo, Sen. Antonio Trillanes at iba pang mga elemento ng dilaw na sa tuwinang mag-a-abroad ay puro paninira ang sinasabi ukol sa bansa. ‘Yan ang mga taksil sa bayan!

‘Yang mga paninira ng dilaw ay sinasakyan naman ng ilang mga grupo na nakabase sa ilang bansa na hindi pumapabor sa pakikipagmabutihan ng Pilipinas sa bansang Tsina. Sila ‘yung mga nagbibigay ng pahayag sa international media ng mga hindi magaganda para sa Pilipinas. Kaya nasabi kong normal lamang ang paggalaw ng PCOO sa Europe, ang tawag po riyan ay damage control sa PR (public relation) parlance. Normal po ‘yan at nararapat dahil ganyan nga po kaimportante ang imahe ng buong bansa.

Ngayon parang naging instant state auditor ang ilang mga senador sa pagkukwenta sa magagastos ng PCOO sa Europe para d’yan sa press freedom caravan. Malamang ang gagastusin nila riyan ay pera ng taumbayan, alangan namang bumunot sila sa sarili nilang bulsa e opisyal po na function nila ‘yang pagtatanggol at pagpapabango sa ngalan ng Pilipinas sa ibang bansa.

Ang ibang bansa nga, katulad ng India, Singapore at Malaysia ay milyun-milyong dolyar ang ginagastos sa international media upang mapaganda ang imahe ng kani-kanilang bansa. Tayo caravan lang dahil walang budget e aangal pa ang ilang senador? Wow!

Ngayon kung talagang magaling kayong magkwenta, e iniimbitahan ko kayong kwentahin ang damage na ginagawa ng pagsasalita ni Gng. Robredo sa ibayong dagat laban sa Pilipinas. Pati na ang mga pagbibigay ni Sen. Trillanes ng mga mapanirang patutsada sa ibang bansa ukol sa mga programa ng pamahalaang Pilipinas. ‘Yan ang kwentahin ninyong damage na nagagawa nila.

Sa madali’t salita, ipinapakita lamang ng mga ganyang klaseng kritiko ang pagkakaroon ng utak talangka. Imbes na suportahan ang ganyang magandang ideya e lalagyan pa ng kulay malisya. Kaya grabe ang pinagdadaanan ng bansa, guma­gapang sa nais na makaahon sa hirap at dag­dag pahirap pa ng ganyang klaseng mga politiko.

Kaya ako ay agree diyan kay Atty. Larry Gadon, kung pagbabago ang gusto natin sa bansa ay makabubuting mga bago ang ilagay naman natin sa Senado. (For the Flag / ED CORDEVILLA)

79

Related posts

Leave a Comment