REMULLA WALANG MALASAKIT SA BI?

BISTADOR Rudy Sim

MATAPOS ang batuhan ng putik nina Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla at Bureau of Corrections Director General Gerald Bantag kaugnay sa katiwalian sa Bucor at ang kontrobersyang kinasangkutan ng anak ni Remulla sa ilegal na droga, ay tila abala naman ang kalihim sa Bureau of Immigration (BI) na isa sa nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan.

Hindi mawawala sa isipan ng mga kawani ng BI na tila humahanap lamang ng butas si Remulla upang abot-kamay nitong mahawakan ang lahat ng operasyon ng ahensya nang sa ganoon ay walang maging sagabal? Totoo kaya ang usap-usapan sa BI na set-up ang sumabog na katiwalian sa Clark International Airport upang may dahilan ang DOJ na isumbong kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at mapalitan ang kasalukuyang Commissioner dito na si Norman Tansingco?

Matatandaang nauna nang nilusaw ni Remulla ang isang tanggapan ng BI na Port Operations Division (POD) na siyang nangangasiwa sa operasyon ng lahat ng airport sa bansa. Solusyon ba sa korapsyon ang pagbuwag na ito ni Remulla o may sikretong agenda ito upang mabusog ang bulsa ng ilan?

Kamakailan lamang ay pinuntirya ni Remulla ang BI Detention Facility sa Bicutan matapos ang pagkakadiskubre kuno sa VIP treatment ng ilang mga dating opisyales at tauhan ng warden facility na nangangasiwa sa mga dayuhang nakapiit sa ating bansa habang hinihintay ang kanilang deportasyon mula sa kanilang point of origin.

Sinabi ni Remulla na tukoy na nito kuno kung sino ang mga tauhan ng BI na responsable kung bakit nakagagamit ng cellphone at internet ang mga puganteng Hapon habang nasa loob ng piitan kaya’t minadali nang ipatapon palabas ng bansa ang ilang Japanese fugitive na sina Kiyoto Inamura at Toyisha Fujita noong February 7 patungong Narita Airport. Bakit kaya na single-out lamang ang mga Japanese samantalang nakagagamit din ng cellphone sa loob ng piitan ang Taiwanese national na si Peter Lai na fugitive sa kasong ilegal na droga!

Ngayon lang ba nalaman ni Remulla ang mga ganitong katiwalian sa BI detention facility o ito ay bahagi lamang ng kanyang “Papogi” system para sa posibleng pangarap nitong pagtakbo sa mas mataas na posisyon sa gobyerno sa darating na halalan sa 2025? Aba eh tila mas mabuti pa itong dating kalihim ng DOJ na si Menardo Guevara na tahimik ngunit patas kung umaksyon kaya’t minahal ng kanyang mga tauhan.

Kung nais mo, Mr. Remulla, ng pagbabago sa mga nasasakupan mo ay huwag mo sanang lalong nilulubog ang ahensya imbes ay ipagtanggol mo dahil ikaw ang ama! Kung sa tingin mo ay nabigyan ng patas na batas ang iyong anak sa kinasangkutan nito ay dapat din na bigyan mo ng patas na pagtrato ang BI dahil hindi sagot ang pagbuwag kundi ang pagiging mabuting lider.

Para sa inyong sumbong at reaksyon, maaaring i-text ako sa 09158888410.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

170

Related posts

Leave a Comment