RICE IMPORTS NG PINAS ITINIGIL NG VIETNAM DAHIL SA COVID?

SAAN kaya pupulutin ngayon ang lahi ni Juan Dela Cruz matapos na hindi na tayo pagbentahan ng bigas ng Vietnam?

May plano sanang mag-import ng bigas ang Department of Trade and Industry (DTI) sa pamamagitan ng Philippine International Trading Center (PITC) na tinawag na government-to-government (G2G) rice importation scheme.

Inapruban ng Inter-Agency Task Force for Management of Emerging Infectious Disease (IATF-MEID) ang planong pagbili ng 300,000 metriko tonelada ng bigas sa Vietnam.

Pero umayaw ito dahil sa kanilang pangangailangan ngayong nasa gitna ng pandemya ng COVID-19.

Ito ngayon ang malaking problema dahil buong mundo ay apektado ng COVID-19. Ito na ang kinatatakutan ng nakararaming lahi ni Juan dahil mas prayoridad ng mga opisyal ng gobyerno ang importasyon ng bigas kesa suportahan ang mga magsasaka sa bansa.

Ang bibilhing bigas ay gagamitin sana sa tinatawag na lean months na nagsimula nitong buwan ng Hulyo, Agusto at Setyembre.

Ito ay panahon ng tag-ulan na karamihan sa mga Pinoy ay hindi masyadong nakakapagtrabaho dahil sa mga kalamidad na dumarating sa mga buwan na ito.

Papaano na kung tumagal pa itong COVID-19 at wala na talagang mabibilhan ng bigas ang Pinas? Mahilig pa naman mag-unli rice ang lahi Juan.

Kadalasan pa naman sa mga nasa lalawigan ay kanin ang kanilang kinakain, tatlong (3) beses sa loob ng isang araw.

Kung minsan ay lumalagpas pa sa tatlong (3) beses dahil ang kanilang meryenda at snacks ay kanin din ang kanilang kinakain. Paano na ngayon? Need na ba talagang mag-diet ni Mang Juan sa unli rice?

Panahon ni dating Ferdinand Marcos ay walang problema ang bansa sa bigas dahil suportado niya ang mga magsasaka. Binuo pa niya ang MASAGANA ‘99 program, pero nang sumunod na mga administrasyon lahat ng magagandang programa para sa mga magsasaka ay nawala.

Ang mga kalapit bansa natin sa Asya ay dito pa pinag-aral ang kanilang mga agriculturist. Nagtapos sila ng kanilang pag-aaral sa UP Los Banos at ang kanilang pinag-aralan ay nagamit nila para suplayan ng bigas ang bansa kung saan sila natuto kung papaano magparami ng bigas.

Ang Vietnam ay hindi masyadong apektado ng COVID-19 dahil kaunti lang sa kanila ang nagkaroon ng virus at gumaling agad. Sinisiguro ng bansang Vietnam na hindi magugutom ang kanilang mamamayan ngayon na dumaranas ng malaking problema ang buong mundo dahil sa COVID-19. Kaya hindi na sila nagbenta ng bigas sa Pilipinas.

Ngayon ano ang gagawin ng lahi ni Juan kapag wala nang mabilhan ng bigas? Nganga na lang tayo at humigip ng hangin para mabusog?

Ayon naglunsad ng Plant Plant Plant Program ang Department of Agriculture (DA), magtagumpay kaya? “HULI MAN DAW AT MAGALING, HULI PA RIN”.

Kahit na may utang na loob ang Vietnam sa Pilipinas dahil sa UP Los Banos nag-aral ang kanilang mga agriculturist mas prayoridad pa rin nila ang kanilang mga kababayan na pakainin kesa sa mga Pinoy.

Sa panahon ng krisis mas uunahin ang sariling pamilya kesa sa iba. Baka sabihin pa nila sa atin buti nga sa inyo, yan ang napapala nyo sa hindi pagsuporta sa inyong mga magsasaka.

Dadating pa ang panahon na wala nang matataniman ng palay, dahil karamihan sa mga sakahan ay ibinebenta at tinatayuan na ng mga subdibisyon.

Hindi natin masisi ang mga magsasaka na ibenta na lang ang kanilang mga sakahan dahil hindi naman umaangat ang kanilang buhay sa pagsasaka.

Tuwang-tuwa naman ang mga real estate developer dahil lalo silang magkakamal ng pera. Kadalasan pa pag bumili ang mga yan ng sakahan ay binabarat na bayaran ang lupa. Mura nilang nabili, ibebenta naman nila ng mahal. Higit pa sa tubong Lugaw.

Abangan na lang natin kung hanggang kelan abutin ang buffer stock ng bigas ang Pilipinas. Kung wala na tayong makaing bigas, no choice kundi ang pamalit natin ay ang kamoteng baging, kamoteng kahoy, saging saba, patatas at mais.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.

95

Related posts

Leave a Comment