DPA ni Bernard Taguinod
SINIMULAN na ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapatupad ng motorcycle lane sa Commonwealth Avenue, Quezon City noong Lunes at tambak ulit ang traffic enforcers sa tinaguriang killer highway.
Mukhang sinusubukan lang ng MMDA kung epektib na ilagay lang sa isang lane ang mga rider para marahil ipatupad din ito sa pangunahing mga lansangan sa Metro Manila.
Ang tanong, hanggang kailan mananatili ang sangkaterbang traffic enforcer sa Commonwealth Avenue para masigurong hindi umalis kanilang designated lane ang mga rider?
Hindi lang kasi minsan kundi madalas na ningas-kugon ang mga nagpapatupad ng batas at kapag medyo nagtagal-tagal na, wala ka nang makikitang enforcers kaya pista na naman ang mga motorista.
Pero sa unang tatlong araw ng implementasyon ng motorcycle lane, napansin ko ang problema na baka maging dahilan ng road rage dahil kapag liliko na ang mga sasakyan ay may mga rider na nagagalit.
Nasa ikaapat na lane kasi ang mga sasakyan at kapag kakanan na sila ay kailangan nilang tumawid sa motorcycle lane kaya naiistorbo ang takbo ng mga rider na kanilang ikinagagalit.
Malalaman mong galit sila dahil sabay-sabay silang bumubusina kapag may lilikong sasakyan pakanan at may mga motoristang nababanas din kaya hindi malayong maging dahilan ito ng road rage.
Kahit ang mga Public Utility Vehicle (PUV) na nasa ikalawang lane ay halos ayaw ding magpatawid ng mga pribadong sasakyan kaya may pagkakataon na nakababad sa motorcycle lane ang mga liliko kaya nagbubusinahan ang mga rider.
Para bang sinasabi ng mga rider at PUV drivers na “lane namin ito” at walang karapatan ang mga pribadong sasakyan na gamitin kahit sandali lalo na ‘yung kailangan nang lumiko.
Kailangan maging pro-active ang MMDA at ipaalala sa mga rider at PUV drivers ang kortesiya sa lansangan dahil kung magkakaasaran, baka pagmulan ito ng road rage lalo na’t mainit ang ulo ng lahat ng tao dahil sa init ng panahon at iba’t ibang problema sa buhay.
Bago dumating o mangyari ang problemang ito, kailangang makagawa na ng paraan ang MMDA para maiwasan ang away sa lansangan na karaniwan ay nauuwi sa patayan.
Isang simpleng information campaign lang ang puwedeng gawin ng MMDA para paalalahanan ng lahat ng motorista na magbigayan at huwag maging reaksiyonaryo lang.
Isa sa mga dahilan ng pagiging problematic ng lansangan sa Metro Manila ay dahil walang bigayan. Lahat ay gustong mauna, lahat ay gustong makalamang, lahat ay gustong manggulang.
Hindi ko tuloy masisi ‘yung isang Amerikano na asawa ng kaibigan namin sa sinabi niyang “Drivers here are maniac” dahil walang disiplina ang mga Pinoy pagdating sa lansangan. Hindi lahat pero karamihan. Masakit pero totoo.
