ROTC NAGLALAYONG HUBUGIN ANG MGA KABATAAN AT MAKATULONG SA DISASTER OPS

FORWARD NOW

Kumpiyansa ang pamahalaan na malaki ang maitutulong ng mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa mga kabataan upang maipagtanggol ang kanilang sarili gayundin ang soberanya ng bansa at pagbibigay ng kakayahan sa kabataang tumugon sa panahon ng sakuna gaya ng rescue at relief operations.

Inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang SONA ang pagbuhay sa two-year mandatory basic ROTC na ibinasura noong 2001.

Sa panukalang batas, isasailalim sa ROTC ang mga estudyanteng nasa Grade 11 at 12 sa lahat ng paaralan sa buong bansa ngunit nilinaw ng pangulo na ang pagbuhay rito ay kakaiba sa dating ROTC na may bahid ng corruption.

Ang pagbabalik sa ROTC ay paraan din para madisiplina ang mga kabataan at huwag mahikayat na gumamit ng ilegal na droga at makatulong sa disaster operations.

Layon din nito na imulat at isapuso ng mga kabataan ang pagiging makabayan, paggalang sa karapatang pantao, pagsunod sa Saligang Batas at pagmamahal sa bansa.

Nagtakda ang Mababang Kapulungan ng Kongreso ng mga exemption sa pagpapatupad ng ROTC sa senior high school kung saan kabilang sa mga exempted ay ‘yong mga “physically or psychologically unfit” na kailangang may sertipikasyon mula sa Surgeon General ng Armed Forces of the Philippines o ng kanyang otorisadong medical officer.

Kasama rin sa exemption ang mga estudyante na napili ng kanilang eskwelahan na maging varsity player sa sports competition.

Suportado rin ng DepEd ang panukalang ito dahil wala namang nakikitang masama kung muling isasailalim ang mga estudyante ng senior high school (SHS) sa ROTC, para maging handa ang mga ito sa anumang posibilidad ng digmaan lalo na’t nahaharap ang bansa sa matinding banta ng terorismo.

Sakaling makumpleto ng isang reservist ang military training sa ilalim ng ROTC programs, hindi lamang sila tatawagin kapag may giyera, pananakop at rebelyon, kundi aatasan silang tumulong sa disaster and relief operations sa panahon ng kalamidad.

Nangako naman ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi ito mamamantsahan ng korapsyon, walang hazing, walang sexual harassment at magkakaroon ng paghihigpit sa kanilang hanay. (Forward Now / Rep. Fidel Nograles)

186

Related posts

Leave a Comment