SA GITNA NG INIT, MAY RELASYONG NANLAMIG

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

DUMAGDAG sa init ng panahon ang rebelasyon kamakailan ng maybahay ni Pangulong Bongbong Marcos na hindi na sila ‘beshie’ ni VP Inday Duterte.

Inamin ni First Lady Liza Araneta-Marcos na bad shot sa kanya ang ka-tandem ng kanyang mister matapos akusahan ng pamilya ng huli si Pangulong Bongbong na gumagamit ng ilegal na droga.

Masakit na ngang akusahan na ang iyong presidenteng mister ay bangag, tapos makikitang tumatawa pa ang iyong ka-unity, este ang pangalawa palang pangulo, na ginagawa pa namang caretaker kapag nasa biyahe sa ibang bansa ang pangulo.

Wala na. Hindi lang may lamat ang relasyon ng Marcos at Duterte. Basag na!

Hindi na kaya ng panahon na painitan ang lumamig na relasyon ng Marcos at Duterte.

Kaya pa ba ni Marcos ang tirada ng pamilya Duterte?

Baka ang isa sa mga ugat ng mga upak ng mga Duterte kay Marcos ay ang tinanggal na confidential funds ni Inday.

Kung totoo, isa itong patunay na pera, salapi o datung ang panggatong para lumiyab at tuluyang matupok ang samahan at pagkakaisa.

Kaya mga kabayan, sa tumitinding heat index, huwag nang hintaying makaramdam ng sobrang init. Umiwas at gumawa ng paraan nang hindi ma-bad shot at mabadtrip.

Ito ang seryosong usapin ngayong grabe ang init.

Iwasan ang heat cramps, heat exhaustion at ang malala – ang heat stroke.

Kaso nga lang, lalong iinit ang katawan, kasama na ang utak, dahil sa manaka-nakang brownout dulot ng numipis na reserbang kuryente.

Ito ang medyo pampakalma ng init.

Pati pala size ng itlog apektado ng mainit na panahon. Pero hindi lang itlog ha, maging kamatis ay nabansot daw sa ilang lugar na pineperwisyo ng El Niño.

Dahil sa El Niño, natutuyo na ang pinagkukunan ng tubig at pinatitindi nito ang temperatura.

Kaya apektado ang produksyon ng itlog sa Pilipinas. Ayon sa Philippine Egg Board Association, ang sobrang init ay nagpapahina ng pagkain ng manok na ang resulta: pagbaba ng produksyon at pagliit ng size ng itlog.

Wala naman daw epekto ang matinding init sa halaga ng nutrisyon ng itlog. Lumiit lang daw ang sukat nito.

Dito naaaliw ang mga netizen na sa kabila ng tumatagiktik na init at pawis ay amuse na amuse sa lumiliit na itlog.

‘Wag haluan ng malisya ha! Inaaliw lang din ng iba ang kanilang sarili, at hayaan na lang na magpalamig sila sa lumiit nilang itlog.

‘Yan ang maganda sa Pinoy. Nagagawa pa ring tumawa sa mainit at hindi kanais-nais na mga kondisyon at sitwasyon.

 

43

Related posts

Leave a Comment