PANUNUHOL NI MADAM SA BI, PATULOY!

BISTADOR ni RUDY SIM

BINATIKOS kamakailan ni Senador Chiz Escudero ang paglobo ng bilang ng Chinese students sa bansa partikular sa lalawigan ng Cagayan na isinisi nito sa Bureau of Immigration (BI) at itinanong kung ginagawa ba nila ang kanilang trabaho.

Nakapagtataka rin kung bakit sa isyu ng mainit na sitwasyon sa West Philippine Sea ay napili ng mga Chinese na makaporma sa pangunahing mga Isla ng karagatan na maaaring isang game plan na sakaling pumutok ang digmaan ay aatake at magbibigay ng defensive position ang pinaniniwalaang mga espiya ng China.

Bakit kaya sa isyu ng seguridad sa bansa ay nagagawa pa rin ng isang maimpluwensyang Chinese national na si “Alyas Madam” na nagmamay- ari ng isang malaking travel agency, na gawing utusan ang ilan sa mga opisyales at tauhan ng BI para makapagproseso ng mga dokumento ng kanyang mga kliyenteng Chinese nationals.

Matatandaang inimbestigahan at kinasuhan ito ng NBI dahil sa panunuhol sa BI upang makapasok sa bansa ang libo-libong Chinese sa pamamagitan ng programang Visa Upon Arrival na tinatayang higit sa limang libong pasahero ang nakapasok sa bansa kalakip ang suhol sa panahon ni dating Commissioner Jaime Morente.

Maging ang immigration officers noon sa NAIA ay umangal pero walang magawa na kahit hinarang na nila sa pamamagitan ng exclusion ang mga pasahero dahil sa kakulangan ng mga dokumento at hirap magsalita ng English, ay kumakamot na lamang sa ulo kapag tinawagan sila ng Office of the Commissioner na papasukin ang dayuhan.

Ganito umano kalakas si Madam na sisipain na pabalik ng bansa ang pasahero pero nagawa pa nitong matawagan ang Commissioner kahit sa oras na ito ay nasa kasarapan ng kanyang tulog. Pero syempre kung hinarang ang pasahero ay panibagong presyo na naman ‘yan ‘di ba. Madam?

Teka! Hindi ba alam nitong si Senador Chiz na kung bakit dumarami ang mga Tsekwa sa bansa ay dahil din kay Madam na ginagamit ang kanyang salapi at malakas umano sa isang senador at sa isang beteranong komentarista.

Sabagay po, natatandaan ko noong binanatan ko itong si Madam noong 2019 ay isang sumbungan kuno ang nag-txt sa akin na kahit pareho kaming nasa media ay kanilang kinukunsinti na legal umano ang negosyo nito… Hmm… legal na pala ngayon ang manuhol ng public officials?

Maging ang ilang travel agencies na accredited sa BI ay umaangal dahil patuloy pa ring ginagawa ni Madam ang panunuhol sa ahensya kahit na ito ay kasalukuyang may kasong kinahaharap sa Sandiganbayan.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

78

Related posts

Leave a Comment