SABI NI REP. EDDIE VILLANUEVA, SMUGGLING AT TAX EVASION PROBLEMA, ‘DI E-SABONG!

0

SABONG ON AIR Ni KA REX CAYANONG

KILALANG kumokontra si House Deputy Speaker at ­CIBAC Rep. Eddie Villanueva sa e-sabong o online sabong.

Sabi ni Villanueva, mas malaki raw ang negatibong epekto ng online gambling sa lipunan kaysa inaasahang kikitain dito ng ­gobyerno.

Kung gustong kumita ng pamahalaan, mas maigi raw aniya kung tingnang maigi ang loopholes sa revenue-generation functions nito.

Tingnan daw dapat ang smuggling at tax evasion ng mga kompanya.

Sa ganitong paraan, mas makakakita raw ito ng government resources.

Hindi raw makabubuti ang e-sabong.

Excuse lang daw ito ng mga kapitalista sa mga pansarili nilang interes.

Ang nagdurusa aniya ay ang mga mahihirap at napupunta sa wala ang kinikita nila.

Kung aaprubahan daw ng Kongreso ang prangkisa ng mga kompanya ng e-sabong, hindi raw malayo na kumuha na rin ng prangkisa ang iba pang uri ng online gambling sa nalalapit na panahon.

Nakatutuwa naman itong si Villanueva.

Natatawa na lang talaga ako.

Matagal na pala niyang nakikita ang smuggling at tax evasion bilang isa sa mga pinakamalaking problema ng bansa.

Aba’y bakit hindi niya isinulong noon pa na durugin ang smugglers? Bakit hindi siya gumawa ng batas na may kinalaman dito dahil mambabatas naman siya?

Ang totoo, ang sabong ay matagal nang libangan ng mga tao at wala namang nagra-rally para tutulan ito.

Hindi kasi alam ni Cong. Villa­nueva na isa rin ang sugal o sabong sa mga sumusuporta sa black market.

Ang sabong sa mga probinsya ay hindi lamang libangan kundi source of income rin ito ng mga mahihirap nating kababayan.

‘Yung mga simpleng walang pinag-aralang mahihirap ay kumikita rito sa pamamagitan ng job opportunities na handog ng sabong.

Ang mga nagsusulong naman ng e-sabong gaya ng Pitmaster Foundation, Inc. ay matagal nang tumutulong sa mga mahihirap na bayan sa bansa.

Malamang hindi nakikita ni Villanueva ang mga ganitong benepisyo dahil hindi niya rin siguro ginagawa ito o ‘yung pagtulong.

Matagal nang tumutulong ang Pitmaster sa mga munisipalidad na walang ambulansya.

May handog din itong libreng dialysis sa mga mahihirap na pasyente na walang kakayahang tustusan ito.

Kaya nawa’y makita ni Villanueva ang mga ganitong aspeto at maging ang magandang dulot ng e-sabong sa marami nating mga kababayan.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment