SABLAY NA PANUKALA

CLICKBAIT

MARAMI ang nayamot sa halip matuwa sa pag-apruba ng Kamara sa panukalang bigyan ng P1 milyon cash gift ang mga Pinoy na aabot sa 101 taong gulang.

Sa ngayon swertehan na lang kung umabot ng edad 90, ‘yun 101 pa kaya?

Ang sabi ay dalawa lang sa bawat 100,000 ang umaabot sa 100-anyos sa panahon ngayon.

Pinag-aralan bang mabuti ang panukalang ‘yan o gusto lang nilang masabing may ginagawa sila sa Kongreso?

Tanong nga ng mga netizen, si Manong Johnny Enrile kaya ang inspirasyon ng magagaling na kongresistang nakaisip nyan? Aba meron pa pong isa, ang ina ni Presidente na si Tita Meldy.

Sana pag-isipan na lang nila kung paano mabibigyan ng libreng hospitalization ang mga nakatatanda o kaya ay ilibre sa gamot.

Malaking tulong ‘yan lalo na sa mga nakatatanda na walang pensyon.

‘Wag nang hintayin ang panahon na hindi na halos makakilos ang matanda bago bigyan ng ginhawa. Ibigay na ang nararapat habang mapakikinabangan at mae-enjoy pa nila. Aanhin pa ba ang damo kung ‘di na kayang kumain ng kabayo?

‘Wag na kung uutangin lang naman

KINAGAT daw ni Pangulong Bongbong Marcos ang mungkahi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na pagbili ng kauna-unahang submarino ng bansa na aabot sa P70 bilyon hanggang P100 bilyon ang halaga.

Siguradong nagdedeliryo sa tuwa ang senador. Mantakin ba naman na bilyones ang nakalapag dito.

Pero, teka, hindi kaya gimik pampulitika ito ng senador, na nagsusulong din ng P150 dagdag na sahod ng manggagawa. Makatutulong daw ito para palakasin ang depensa ng hukbong dagat ng bansa.

Isang submarino ang magpapalakas ng depensa sa hukbong dagat na sisiw kung ikukumpara sa moderno, lakas at kapangyarihan ng hukbo ng karatig na mga bansa?

‘Pag sa mahihirap na kapakanan ay kapiranggot ang gustong idagdag pero sa dagat na sasakyan ay bilyon ang pinupuwesto.

Matabang kasi sa mga manggagawa ang panukalang wanpipti kaya sa lumulubog na sasakyan humingi ng saklolo.

Tuloy, na-check ni Chiz ang submarine ni Migz.

Ayon kay Senator Escudero, mas kailangan ng bansa ang mabibilis na sasakyan para sa mga kalamidad at emergency.

Sa kagipitan ang proposisyon ni Chiz, ngunit ang kay Migz ay kapritso at malamang may halong kahambugan at pagpapapogi sa kataas-taasan.

Iyan nga ang dapat unahin, pero iba ang pagtingin ng iba.

Saan kukunin ang pambili ng submarine? May ilang bansa raw na naghahandog ng long-term loans sa loob ng 20 taon.

Utang na naman. Sa panahong naghihirap ang bansa ay kailangan pa bang dagdagan ang trilyones na utang para makabili ng lulubog-lilitaw na sasakyang pandagat?

Sabagay, lubog na sa utang ang bansa, lubog na sa hirap ang bayan, kaya sa nakalubog na submarino aangkla ang pamahalaan.

Sabi nga ni Chiz, mahirap matupad ang pangarap na submarine kung mayroon lamang salbabidang budget.

90

Related posts

Leave a Comment