SAINT ROSALIA RECRUITMENT AGENCY NA NAMAN, POEA TINATAWAGAN NG PANSIN

BANTAY OFW

Kamakailan ay nailat­hala ko na sa aking kolum ang isang panawagan mula sa HSW o household service worker sa Abha, Saudi Arabia na itinago ko sa pangalan na A. Guinto na deployed ng Saint Rosalia Recruitment Agency. Ito ay ang sumbong na siya ay minomolestiya ng kapatid ng kanyang employer.

Si A. Guinto ay nakailang beses na nagpalipat-lipat ng employer at sa ikatlong employer niya naranasan ang pagmomolestiya, kung kaya siya ay humingi ng saklolo upang mailigtas siya at makauwi na lamang sa Pilipinas.

Dahil sa aking panawagan ay nakuha naman siya ng kanyang ahensya mula sa ikatlong amo, pero imbes na siya ay pauwiin sa Pilipinas katulad ng kanyang kahilingan, siya ay inilipat lamang sa kanyang dating employer ng kanyang ahensya.

Ngayon naman, ay isa na namang sumbong ang ating natanggap mula sa ating kabayani na isa ring HSW at itago na lamang sa pangalan na A. Herrera  na dineploy ng Saint Rosalia Recruitment Agency.

Ayon sa kanyang sumbong na nakarating sa ating volunteer na si Aisya Consuelo, siya ay pinagsamantalahan ng kanyang employer at humihingi ng agarang tulong. Naiparating na raw niya sa kanyang ahensya ang nangyari sa kanya ngunit hindi pa rin daw kumikilos ang kanyang ahensya upang siya ay i-rescue at tulungan na mabigyan ng hustisya.

Nanawagan ako kay POEA Administrator Bernard Olalia na kung maaari ay ipatawag at imbestigahang mabuti ang Saint Rosalia Recruitment Agency at bigyan ng ka­rampatang aksyon dahil sa kakulangan ng pagmamalasakit sa kanilang deployed workers.

Para sa lahat ng ating mga kabayani, siguruhin po ninyo na kayo ay mayroong Bantay OFW mobile app, upang masiguro na mabilis ninyong maipaparating sa akin ang inyong sitwasyon. Libre po ito na mada-download sa android playstore. (Bantay OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)

210

Related posts

Leave a Comment