SAKIT NG BABOY GALING AFRICA, PATAY TRABAHO PARA SA MGA PINOY 

USAPANG KABUHAYAN

Balita ngayon na banned na ng ating gobyerno ang pag-aangkat ng mga baboy at mga produktong gawa sa baboy ga­ling sa Japan matapos na i-anunsyo ng pamahalaan nito na pumasok na sa kanilang bansa ang kinatatakutan na African swine flu.

Ang Japan ang pinakahuling bansa kung saan hindi na pwede tayong umangkat ng baboy dahil sa African swine flu o ASF. Nauna nang na-ban ang importasyon ng baboy galing China, Russia at mga bansa sa Africa at Europa dahil sa ASF. Ang virus kasi ng ASF ay nananatili sa karne kahit na niluto na ito ng todo o frozen. Sa mga laboratory tests, napatunayan na ang ASF virus ay nanatili sa karne kahit na na-deep freeze na ito ng isang taon o higit pa, at nakita rin sa mga de-latang pagkain na gawa sa baboy.

Pag pumasok ang virus ng ASF sa Pilipinas, papatayin nito ang industriya ng babuyan sa ating bansa dahil wala pang nakikitang gamot o solusyon para makontrol ang pagkalat ng virus sa labas ng orihinal na pinanggalingan nito.

Dahil sa ASF, siguradong patay pagkaraan ng mga dalawa hanggang tatlong linggo ang mga alagang baboy. Dahil sa kailangan pang antayin ng mga dalawang linggo ang kumpirmasyon sa laboratoryo sa ibang bansa gaya ng Australia o Amerika kung talagang ASF virus o ibang sakit ng baboy ang tumama sa iyong mga alagang baboy, gagastos pa ang may-ari ng babuyan para pakainin ang kanilang mga alagang hayop na sayang lang pag tinamaan talaga sila ng ASF. Lugi ka na nga sa mga baboy na kailangang katayin na at sunugin pag makumpirmang tinamaan sila ng ASF eh gumastos ka pa ng hindi dapat para sa pakain at pag-aalaga habang wala ang resulta ng confirmatory test.

At siguradong kakalat  sa buong bansa ang ASF virus pag pumasok ito dahil ganoon daw katapang ang virus na ito, na ayon sa mga pag-aaral ay mabilis kumapit sa anumang tao o hayop at ibon kumpara sa ibang sakit ng baboy.

Pag pumasok ang ASF virus sa Pilipinas, delikadong bumagsak ang industriya ng pagbababoy na may kabuuang taunang kita na P300 bilyon sa bentahan ng sariwang karne at processed meat na de-lata. Ang pagbababoy ang pangalawang pinakamala­king industriya sa agriculture sector ng Pilipinas.

Para walang ASF na papatay sa trabaho ng mga 300,000 Pinoy, lahat ay dapat sumunod sa ban sa pagpapasok ng mga produkto o karne ng baboy galing sa mga bansang kumpirmadong may ASF virus. Kaya naman hindi muna tayo kakain ng a­ting paboritong Ma Ling. (USAPANG KABUHAYAN / BOBBY CAPCO)

144

Related posts

Leave a Comment