SAKLOLO, SAKLOLO MAY PULIS

MATAPOS ang anim na buwan ng imbestigasyon, dalawang heneral at 12 iba pang opisyales ng Philippine National Police (PNP) ang tinukoy ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na sabit sa tinaguriang ‘pinakamalaking drug haul’ sa kasaysayan ng kampanya kontra ilegal na droga ng pamahalaan.

Ang totoo, hindi na ikinagulat ng publiko ang pagkakadawit ng mga unipormado — partikular ang mga de-ranggong opisyales ng PNP.

Sa nakalipas na mga panahon, hindi na halos mabilang ang dami ng mga pulis na dinakip dahil sa pagbebenta ng mga drogang sumisira sa kinabukasan ng mga kabataan.

Ang masaklap, marami sa kanila ang nakalusot sa asunto. Marami rin sa kanila ang nakabalik sa serbisyong hudyat para ituloy ang bonggang ganansya mula sa kalakalan ng ilegal na droga.

Subalit kakaiba ang talaang ibinunyag ni DILG Secretary Benhur Abalos. Dangan naman kasi, kargado ng estrella ang dalawa sa 14 na pulis, habang ang iba naman ay bahagi ng pulutong na inatasang sugpuin ang kanser sa lipunan.

May isa pa nga nagawang makapagretiro bago sumambulat ang talaan ng mga scalawag sa hanay ng pulisya.

Ang tanong — gaano kaseryoso ang pamahalaan na puksain ang anay sa hanay ng mga pulis, sa gitna ng kultura ng palakasan.

Sa puntong ito, hindi sapat ang dada. Higit na kailangan ang resulta sa imbestigasyon sa mga opisyales na inginuso mismo ng kanila tuta.

178

Related posts

Leave a Comment