KUNSINTIDOR NG SUGAL SA STA. ROSA, LAGUNA SASABIT SA PNP

BALYADOR ni RONALD BULA

TIYAK na “sasabit” ang ilang mataas na opisyal ng kapulisan sa Santa Rosa City of Laguna kapag mahigpit na paninindigan ng malapit nang magretirong si PNP chief General Rodolfo Azurin Jr. ang paglilinis sa kanyang hanay batay sa naunang polisiya ng Philippine National Police (PNP) na “Internal Cleansing” sa naturang organisasyon.

Kabilang sa posibleng sumabit dito ay itong si P/Lt. Col. Paul M. Sabulao na ginawaran kamakailan ng “Medalya ng Papuri” para sa ipinakitang huwarang kahusayan, katapatan, at dedikasyon sa tungkulin bilang Chief of Police ng Santa Rosa City Police Station, at ang Acting Laguna PNP Provincial Director na si P/Col. Randy Glenn G. Silvio dahil sa ‘di masugpong operasyon ng ilegal na sugal na drop ball at pula’t puti na matatagpuan sa Macabling, Golden City ng Barangay Dita, Calesa papuntang bayan ng Santa Rosa, Target Mall Balibago, Barangay Santa Cruz at Don Jose Subdivision.

‘Di ba kaakibat ng pamumuno sa organisasyon ay ang responsibilidad at ang mabigat na pananagutan, kaya ang PNP provincial director at Chief of Police na nabigyan ng kapangyarihan sa bisa ng mandato ng “police service”, ay may pananagutan batay na rin sa doktrina ng command responsibility?

Oh baka naman, nakalimot na sila?

Kaya kung sakaling may pagkukulang at pagpapabaya nga sa kanilang tungkulin ang mga nabanggit na PNP official dahil sa ‘di pag-aksyon nito laban sa hayagang operasyon ng inuumaga na sugal, ay pagpapabaya sa tungkulin ang tawag dito.

Kaya kung nagpapabaya nga sina P/Col. Silvio at P/Lt. Col Sabulao at walang kakayahang supilin ang lantarang operasyon ng ilegal na sugal na itinuturing na notoryus kung saan maraming mamamayan na ang naging adik, ay wala na sigurong karapatang manatili pa sila sa kanilang pwesto dahil nakakahiya na kina P/BGEN. Jose Melencio C. Nartatez Jr., at Laguna Governor Ramil Laurel Hernandez.

Kaugnay nito, nagtataka rin tayo sa pananahimik ni Santa Rosa City Mayor Arlene Arcillas na sinasabing namumukod-tangi ang kanyang lungsod na bumabalewala sa ibinabang kautusan ni DILG Secretary Benhur Abalos.

Ayon sa reklamo, sinasabing hindi kinokonsidera ng alkalde ang kapakanan ng kanyang mamamayan na naghihikahos sa buhay, na nawalan ng trabaho at pangkabuhayan dulot ng nagdaang pandemya ng COVID-19, bagkos itinutulak pa umano nito sa bisyo sa pagtataya sa pula’t puti at drop ball na dapat sana’y pambili na lamang ng bigas.

Hindi rin katanggap-tanggap sa sektor ng Simbahang Katoliko ang pagkupkop ni Mayor Arcillas na sinasabing “dereliction of duty at gross misconduct”, na sa tagalog “pagpapabaya sa tungkulin at maling pag-uugali” dahil sa pagbibigay diumano ng proteksyon sa mga gambling operator.

May kasunod pa, kaya wag bibitiw!

Para sa suhestyon at reaksyon, mag-email lang sa balyador69@gmail.com.

321

Related posts

Leave a Comment