SALAMAT SA THE MEDICAL CITY SL, OFW DISCOUNT MALAPIT NA PARA SA TAGA-REGION 4A

BANTAY OFW

Simula pa noong Marso 13 ay naka-confine na ako sa The Medical City South Luzon, sa Sta. Rosa, Laguna.

Ito ay dahil sa aking inindang sakit sa kanang tagiliran ng aking katawan na ang sanhi pala ay ang pagkakaroon ko ng bato sa aking Gall bladder.

Isinulat ko ito bilang paalala sa ating mga OFW na maging maingat sa ating mga kinakain, dahil matapos ko na mailathala na ako ay nasa ospital dahil sa Gall Bladder Stone ay marami agad ang nagpadala ng mensahe sa akin na ang ­aking naramdaman ay katulad din ng kanilang nararamdaman.

Noong ako ay nasa Kuwait ay kalimitan na ang pagkain ay laging mamantika.

Una ay dahil napakamura naman ng mantika doon at naging hilig ko rin ang kumain ng steak dahil kapag nasa ibang bansa ay ito ay ating kayang bayaran o bilhin. Kaya ibig kong paalalahanan ang lahat ng ating kabayani na maghinay-hinay sa pagkain ng masyadong mamantika o mataba at maaalat.

Nais kong samantalahin ang pagkakataon na ito para pasalamatan ang aking doktor na siyang nagsagawa ng Laparoscopic Cholecystectomy na si Dr. Norman Manlapaz na pinagsikapan sa loob ng apat na oras na operasyon huwag lamang akong mahiwaan ng malaki o open surgery.

Gayundin kina Dr. Raul; Edralin, Dr. Francis Armada at Dr. Jyn Cabal.

Noong kami ay nagkausap ni Dr. Norman Manlapaz na siya ring Medical Director ay aming napag-usapan ang posibilidad ng pagbibigay ng diskwento sa The Medical City South Luzon para sa lahat ng OFW at mga pamilya nito.

Samahan n’yo po ako sa panalangin na maisakatuparan ito para sa kapakanan ng lahat ng mga OFW at pamilyang OFW na nasasakop ng Cavite, Laguna at Batangas.

Sa lahat ng aking pamilya at mga kaibigan na labis na nag-alala sa aking kalagayan ako ay lubos na nagpapasalamat.

Sa susunod na article ay balik na naman tayo sa pagtalakay ng mga sumbong at reklamo ng ating mga kabayani. (Bantay OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)

72

Related posts

Leave a Comment