SALAULA TAYONG MGA PINOY 

BAGWIS

(HULING BAHAGI)

Nitong nakaraang kolum natin ay ikinuwento natin ang kawalan ng disiplina ng ilan sa ating mga kababayan sa bayan ng Sagada. Ito ‘yung mga naninigaril­yo kahit sa pampublikong lugar at mga nagtatapon ng basura kung saan-saan sa halip na ilagay ito sa tamang lagayan.

Ganitung-ganito rin ang ating obserbasyon sa isla naman ng Bantayan sa lalawigan ng Cebu. Pasimuno ang ating mga kababayan sa pagiging salaula.

Ang nakakalungkot ay napakaganda nitong Bantayan. Pino at maputi ang mga dalampasigan at napakarami ang maaaring pasyalan maliban pa sa mga inaalok na island hopping ng mga local travel guides.

Sa bayan ng Sta. Fe halimbawa ay wala ring nagbaban­tay sa mga naninigarilyo samantalang malinaw naman sa batas na ang beach ay isang pampublikong lugar at nararapat lamang na sakop ng smoking ban.

Nakikita rin natin sa Sta. Fe ang mga ginawang pagkakamali noon ng mga resort owners sa isla ng Boracay. Gaya sa Boracay noon ay hindi sumusunod sa itinatakdang easement at sewerage disposal ang mga beach resorts sa isla.

Halos kainin na ng mga resorts ang buong dalampasigan. May mga naglagay ng bar, mga lamesa, barbekyuhan, mga tent  at kung anu-ano pang mga istruktura.  Normal na normal ang ganitong eksena sa Sta. Fe.

Ni isa ay wala tayong nakita na kawani ng DENR or ng LGU ng Sta. Fe na nagbabantay sana sa mga kababayan nating salaula. Sangkatutak ang nagkalat na mga plastic, mga upos ng sigarilyo ay kung anu-ano pang basura sa maputi at pinong buhangin sa baybayin ng naturang isla.

At the rate things are going, hindi magtatagal ay baka maging tila Baseco na rin itong baybayin ng Sta. Fe. Magi­ging marumi na rin ito dahil tila wala namang malasakit ang ating mga kababayan doon upang mapanatiling malinis at maganda ang kanilang lugar. Mukhang nakatunganga rin ang lokal na pamahalaan dito basta’t patuloy ang pagpasok ng kanilang kita.

Sadyang nakakapanghinayang sapagkat sa kabila ng angking kagandahan ng ating bansa ay pinamumugaran tayo ng lahi ng mga salaula. (Bagwis / GIL BUGAOISAN)

239

Related posts

Leave a Comment