MAS LUMAKAS ANG EKONOMIYA SA MGA REHIYON PERO MANIPIS PA RIN ANG ATING PITAKA

USAPANG KABUHAYAN

Naging mas malakas noong 2018 ang mga negosyo at kabuhayan sa mga rehiyon ng Pilipinas sa pangunguna ng Bicolandia na nagtala ng pinakamala­king antas ng paglaki ng ekonomiya nito. Pero ang National Capital Region o Metro Manila, Central Luzon at Calabarzon pa rin ang may pinakamalaking kontribusyon sa buong ekonomiya ng ating bansa dahil halos kalahati ng kita ng buong bansa ay nangga­ling sa tatlong rehiyon na ito nu’ng isang taon.

Sa pinakahuling balita ng Philippine Statistics Authority (PSA), naging lider ang Bicolandia kung tutuusin ang 8.9 porsyento na paglaki ng ekonomiya nito noong 2018, at kasunod ang katabi nitong rehiyon na MIMAROPA at ang Davao region sa Mindanao na parehong nagtala ng 8.6 porsyentong pagtaas ng antas ng laki ng kanilang ekonomiya.

Sa tatlong rehiyon na ito at sa pito pang ibang rehiyon sa bansa na nagrehistro ng mas masigasig na paglaki ng kabuhayan sa kanilang lugar kumpara noong nakaraang taon, ang industriya o mga negosyo at kabuhayan na may kinalaman sa konstruksyon at sa paggawa ng mga bagay at mga produktong ibinebenta sa taumbayan, pati na ang industriya ng minahan ang naging pangunahing dahilan ng mas malakas na ekonomiya nila.

Kasunod ng mas mala­king paglaki ng mga industriya sa mga rehiyon na ito ay ang paglaki ng mga kita mula sa serbisyo gaya ng mga bangko, komunikasyon, remittances, turismo, pagbebenta ng mga lupa at bahay at iba pang kagayang serbisyo, ayon sa ulat ng PSA.

Kung susumahin ang buong halaga ng ating ekonomiya at hahatiin ito sa bawat Fillipino, nakaranas ang marami ng mas maganang kabuhayan kumpara noong mga nakaraang taon kung pagbabasehan natin ang mga numero ng ating ekonomiya.

Ngunit ang isang malinaw ay hindi nakikita sa mga numerong ito ang lagay ng kabuhayan ng marami sa atin. Kahit na nabawasan ang bilang ng mga mahihirap na Filipino dahil sa mas masigasig nating ekonomiya lalo na sa mga rehiyon, umaabot pa rin sa mil­yon ang mga Filipinong hirap sa buhay at hindi maisulong ang mas magandang kalusu­gan nila at ang mas mataas na antas ng edukasyon para sa mga kabataan. Mas maganda ang buhay, pero mahirap pa rin ang mabuhay para sa marami.

Dapat mabigyan ng mas epektibong lunas pa rin ng mga lider ng pamahalaan at ng ating mga industriya ang tensyong ramdam ng mara­ming ordinaryong taumbayan dahil sa mga mas lumalaking gastusin at manipis na mga pitaka at bulsa sa pag-usad ng panahon.

Sa katapusan ng kanyng termino, nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na magiging mas maalwan o mas komportable ang buhay ng bawat Filipino. Nawa’y matupad ang pangakong ito para mangyari na ang tunay na kaunla­rang matagal na nating inaasam para sa sarili at sa a­ting bansa. (Usapang Kabuhayan / BOBBY CAPCO)

146

Related posts

Leave a Comment