Hanggang ngayon ay wala pa ring naipalalabas na datos ang Department of Justice (DOJ) kung ilang petition for review (petrev) at motion for review na nakasampa sa DOJ ang kanilang naresolba.
‘Pag minsan, naisip ko tuloy kung mayroon bang ginagawa ang undersecretaries ni Secretary Menardo Guevarra dahil sa kanila nakaatang ang mga petrev na isinampa ng mga litigant.
Isinawalat ko na po ang problemang ito kung saan inamin mismo ni DOJ Undersecretary Adrian Ferdinand Sugay sa isang press briefing na natatambakan sila ng mga petition for review at motion for reconsideration na umaabot sa 12-14 na libong mga kaso.
Hanggang ngayon ay wala pa ring mga datos mula kina DOJ Usec. Sugay kung mayroon na ba silang naresolba na mga petrev at MR.
Ano ‘yan, maghihintay pa ba kayo na magkaroon uli ng bagong secretary para sa kanila na naman isisi ang kabagalan ng DOJ?
Depensa ni Usec. Sugay na hindi naman lahat ng aabot sa 14 na libong mga kaso ay sa kanilang panunungkulan dahil sa ito raw ay kanila na lamang inabutan mula nang sila’y manungkulan nang masipa o matanggal ang grupo ni dating DOJ Sec. Vitaliano Aguirre at mga usec nito.
Ang masaklap lang niyan ay wala namang datos na inilalabas sina Usec. Sugay kung mayroon nga ba silang naresolbang petrev at MR mula nang sila’y manungkulan.
Sana lang magpakatotoo kayo dahil kawawa naman ‘yung mga litigant na naghihintay sa aksyon ninyo!
‘PINAS AT ANG BIGAS!?
Totoo ba ‘yang balita na ‘yan na naungusan ng Pilipinas sa pag-aangkat ng bigas ang bansang China?
Naku ha! Nakalulungkot namang isipin na magiging dependent na tayo sa ibang bansa para may makain na kanin?
Isipin n’yo na lang na ang populasyon ng bansang Tsina ay bilyon at tayo ay mahigit lang sa isang daang milyon pero mas mataas pa ang inaangkat nating bigas kaysa kanila. Aba’y nakababahala na ‘yan na dapat sigurong bigyang pansin na ng ating pamahalaan.
oOo
Maraming salamat pala sa pamunuan ng Allied Care Experts (ACE) med center sa Malanday, Valenzuela City. At kay president/surgeon Dr. Roberto De Leon, physician Dr. Gari Recodo, mga nurse Elli, Alu, Donie, Jay-Ar, at Normie para sa matagumpay na operasyon ng appendectomy at Meckel’s diverticulum sa anak ng kaibigan kong si Jun Samson na si Ibrahim “Pog” Samson. (Pro Hac Vice ni BERT MOZO)
151