SALUBUNGIN ANG 2024 NANG LIGTAS

DPA ni BERNARD TAGUINOD

KUNG may mga Pinoy na nakakaangat sa buhay tulad ng celebrities, na umaalis sa Pilipinas para sa salubungin sa ibang bansa ang Bagong Taon, marami ring mga dayuhan ang pumupunta sa bansa natin para sa okasyong ito.

Natutuwa at hangang-hanga raw kasi sila na parang may giyera sa Pilipinas kapag sinasalubong ng mga Pinoy ang Bagong Taon dahil sa kaliwa’t kanang putukan ng fireworks at iba’t ibang uri ng mga paputok kapag nagpapalit na ang taon.

Naging tradisyon na kasi ng Pinoy ang magpaputok para maging masaya ang pagsalubong sa Bagong Taon at may mga naniniwala rin na pangtaboy ito sa mga malas na naranasan sa tatalikod na taon.

Dahil dyan, marami ang nadidisgrasya, nasusugatan, napuputulan ng mga daliri at may mga insidente rin ng malaking sunog na nangyayari, kaya noong panahon ni Digong ay tinangka niyang ipatupad sa buong bansa ang ginagawa niya sa Davao City na walang magpapaputok sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Pero hindi umubra ang nais ni Digong dahil hindi kumpleto ang pagsalubong ng mga Pinoy sa Bagong Taon na walang putukan lalo na’t may mga ibinebenta namang mga paputok na legal at ilegal.

‘Yung ipinagbabawal na mga paputok na dahilan ng mga disgrasya, galing China ang mga ‘yan at may mga kababayan tayo na gumagawa ng paputok kahit walang lisensya pero hindi sila ang pinuntirya ng nakaraang administrasyon kundi ang mga gumagamit nito.

Parang sa kanilang Oplan Tokhang lang na tanging ang mga user ang tinarget pero ‘yung mga drug lord na supplier ng ilegal na droga ay hindi ginagalaw kaya may supply kahit kumonti ang demand, kaya hindi matagumpay ang war on drugs.

Pero ang napapansin ko, habang tumatagal ay pakonti nang pakonti na rin ang nagpapaputok, hindi dahil epektib ang kampanya ng Department of Health (DOH) at iba pang mga ahensya ng gobyerno na huwag magpaputok para iwas disgrasya, kundi dahil pahirap nang pahirap ang mga tao.

Kung noong mga bata pa kami ay tumatagal ng isang oras ang putukan, ngayon ay minuto na lang ang itinatagal. Suwerte na kung aabot ng sampung minuto dahil siguro sa kahirapan na nararanasan ng mga tao imbes na umasenso.

Walang pambili ang mga tao ng paputok . Imbes kasi na ipambili ng paputok ang kanilang kokonting halaga na hawak ay ibibili na lamang ng pagkain o bigas na lalo pang tumataas ang presyo.

‘Yung mga nagpapaputok ay ‘yung mga nakakaangat sa buhay lalo na kapag pangmatagalang fireworks ang sinisindihan nila pero ang mga mahihirap, walang kakayahan na bumili ng ganyang mga paputok.

Anyways, ingat pa rin tayo sa pagsalubong sa 2024. Happy New Year po sa ating lahat. Sana gumanda na ang kalagayan ng ating bansa. Lord, kayo na po ang bahala.

96

Related posts

Leave a Comment