BAGONG TAON (2024), BAGONG PAG-ASA

PUNA ni JOEL O. AMONGO

POSITIBO ang pananaw ng mga Pilipino pagdating ng taong 2024, na makarerekober sila mula sa kanilang naranasang kahirapan sa taong nagdaan.

Mayorya ng mga Pinoy ang umaasa na magiging maganda sa kanila ang susunod na taon, ito ay base sa resulta ng Pulse Asia Survey.

Base sa survey, 92% na may edad na mga Pinoy ang umaasa na sa darating na 2024 ay makakaahon o gaganda ang kanilang buhay.

Ang survey ay isinagawa noong Disyembre 3 hanggang 7 at tinanong ang 1,200 respondents.

Lumalabas na 1% lamang ang nagsabi na wala silang pag-asa sa 2024, samantala, 7% naman ang may agam-agam pa sa magiging kalagayan ng kanilang buhay.

Sa inilabas ding resulta ng Pulse Asia, 41% ng mga Pinoy ang umaasa na katulad ng masaganang Kapaskuhan noong nakaraang taon, ang mararanasan nila sa pagtatapos ng 2023.

Umabot ng 95% respondents mula Visayas ang umaasa, sinundan ng balanse ng Luzon sa 94%, National Capital Region sa 92%, at Mindanao sa 84%.

Nasa 30% ng magdiriwang ngayong taon, ang inaasahan na magiging mas maunlad sila kumpara noong taong 2022.

Labing anim na porsyento ng kanilang holiday celebrations ay pareho noong nakaraang taon na hindi maunlad.

‘Yan naman ang kalamangan ng lahi ni Juan dela Cruz kung ikukumpara sa ibang lahi sa buong mundo, na laging positibo ang pananaw.

Kahit sobrang hirap ang pinagdaanan sa nakaraang taon, tuwing magpapalit ng taon ay positibo pa rin ang pananaw na makakaahon.

Kaya lang minsan ang iba, umaasa lang na magiging positibo ang papasok na taon, pero hindi naman sinasabayan ng aksyon.

Kailangan kasi kung positibo ang pananaw mo ay sabayan mo ng trabaho, para ang positibong pananaw ay magiging makatotohanan o matutupad.

Positibong pananaw, plus may ginagawa, siguradong aasenso tayo.

MASAGANA AT LIGTAS NA PAGSALUBONG sa BAGONG TAON SA ATING LAHAT!

oOo

Para sa suhestiyon at sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

221

Related posts

Leave a Comment