RAPIDO ni PATRICK TULFO
NAKAYAYAMOT na ang halos araw-araw ay makatatanggap ka ng hindi bababa sa tatlong (3) text scam mula sa mga hacker.
Maaalala noong hindi pa naipapasa ang Sim Registration Act, sinabi ng ilang senador na matatapos na ang maliligayang araw ng mga scammer sakaling maipasa at gawin itong batas.
Pero ano ito? Sangkaterbang text messages mula sa mga hacker ang sumusubok na mapasok ang bank account details ng kanilang mga biktima.
Ang mga text scam na ito ay hindi para sa mga edad 40 pababa, ang pangunahing target ng mga text na ito ay mga senior citizen na hindi marunong sa teknolohiya.
Muntik nang mabiktima nito ang isang kilala kong senior citizen na muntik nang pindutin ang ipinadalang link dahil may problema raw ang kanyang account sa isang malaking bangko sa bansa. Mabuti na lamang ay alisto ang mga apo nito at sinabihang ‘wag pindutin ang nasabing link at burahin na lang ang text message.
Mukhang wala namang magawa dito ang NTC (National Telecommunications Commission) dahil kung epektibo ang pagpapatupad ng nasabing batas ay wala na sigurong puwang na magamit pa ng mga hacker sa pagpapadala ng mga link, ang mga sim card na hindi rehistrado.
Sinubukan din nating bumili ng sim card nitong nakaraang linggo kung saan hindi naman tayo hiningian ng ID. Bahala ka na kung irerehistro mo o hindi ang sim card at pwede mo nang itapon makalipas ang isang buwan dahil madali lang bumili at magpalit ng sim card.
Dahil dito, parang scam lang na maituturing ang Sim Registration Act kung ganitong hindi naman natuldukan ang text scam.
156